Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ang paglusaw ng “Solid South”

0 78

Ayon sa mga komentarista, “dream team” daw ang tambalang Bongbong Marcos at Sara Duterte para sa halalang 2022. Mahihirapan umanong talunin ng mga karibal ang pinagsanib na botong mahahatak nang dalawa. Nakatungtong daw ito sa balwarte ng mga Marcos sa hilagang Luzon, ang tinatawag na “Solid North,” habang makaaasa naman ang mga Duterte sa napakalawak na suporta ng mga botante sa Mindanao, na binansagang “Solid South” matapos anihin ni Rodrigo Duterte ang malaking mayorya ng mga boto ng isla para sa pagkapaunglo noong 2016.

Ngayong natapos na ang drama ng substitusyon ng mga kandidato nitong Nobyembre 15 at napirmi na ang pagtakbo ni Marcos Jr. bilang presidente kapares ni Sara Duterte bilang bise-presidente, mailuluwal kaya ng pagsanib-puwersa ng dalawang angkan sampu ng kanilang mga balwarte ang tagumpay para sa kanilang dalawa sa 2022?

Maaaring sabihing napatunayan nang may batayan ang pagkilala sa hilagang Luzon (partikular ang mga rehiyon ng Ilokos, Cordillera, at Cagayan Valley) bilang balwarte ng mga Marcos. Marcos pa rin ang boto ng mayorya ng mga Ilokano.

SM food to go Banner Ad

Ang tanong: kaya bang ideliber ni Sara Duterte ang boto ng Mindanao kay Marcos? Kaya ba niyang ma-solid ang boto ng Mindanao? Ang simpleng sagot: Hindi. Estratehikong kabiguan para sa angkang Duterte at kanilang ambisyong manatili bilang makapangyarihang pwersa sa pambansang politika ang pagtanggi ni Sara na tumakbo bilang presidente sa 2022. Tinuldukan nito ang anumang posibilidad ng dinastikong paghalili ng mga Duterte sa Malakanyang. Naudlot din ang anumang posibilidad na muling anihin ng isang Duterte ang mayorya ng boto ng Mindanao katulad ng nangyari noong 2016.

Sa halip, ikakampanya ni Sara si Bongbong, samantalang ipagsasapalaran naman ni Pang. Duterte ang kanyang kandidato para sa presidente na si Sen. Bong Go. Wala pang patunay na maisasalin nila ang kanilang popularidad (laluna ni Sara, na umaasa pangunahin sa popularidad ng kanyang ama) sa boto para sa kanilang sinusuportahang kandidato.

Sa madaling sabi, hindi pa man nagsisimula ang aktwal na panahon ng kampanya para sa halalang 2022, nalansag at lusaw na ang tinaguriang Solid South ng mga Duterte. Nagbubukas ito ng mga pagkakataon sa mga kandidatong katunggali ng administrasyon. Maaaring gumanansya rito ang isa pang anak ng Mindanao, si Sen. Manny Pacquiao, na may balwarte sa General Santos at Saranggani; si Manila Mayor Isko Moreno, na suportado umano ng mga Maranao; at maging si Bise-Presidente Leni Robredo, na may mga tagasuporta sa Cagayan de Oro at ilang probinsya ng Caraga.

Leave A Reply

Your email address will not be published.