Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ang pambababoy sa proseso ng eleksiyon

0 98

Muling na naman nating nasaksihan nakaraang Biyernes, October 8,2021 sa huling araw ng paghahain ng certificate of candidacy ang isang uri ng pambababoy at panunuya sa proseso ng eleksiyon sa Pilipinas.

Ito ay kaugnay ng kagulat gulat na paghahain ng COC ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa bilang kandidatong Presidente ng administration party PDP LABAN Cusi wing para sa 2022 national elections .

Mismong si Senator Bato ay umamin at nagulat siya nang biglang tawagan siya ni Energy Secretary Alfonso Cusi dakong alas 3 ng hapon at pinagpasyahan daw ng liderato ng partido na siya na ang maghahain ng COC bilang Presidential candidate ng administration .

Hindi maiaalis sa persepsiyon ng publiko na isang uri ng pambababoy, panunuya ang diskarteng ito ng PDP Laban na si Senador Bato ang maghain ng COC.

Agad na lumitaw ang paniniwala ng marami na estilo lang ito bago sumapit ang deadline ng substitution ng kandidato sa November 15,2021 ay may ihahalili na kandidato.

Parang pinaglalaruan ng ilang politiko lalo na ng administration party ang mga botante at higit sa lahat ay ang pinakamataas na posisyon sa gobyerno at ito ay presidente ng Republika ng Pilipinas.

Kung siniseryoso ang institusyon o ang pinakamataas na posisyon sa gobyerno tulad ng Pangulo ng bansa marapat lang na ang mga kandidato ay sobrang seryoso at hindi gawing katatawanan ang paghahain ng COC sa eleksiyon.

Sa mga mas mababang posisyon nga, bago ang pinal na pasya ng isang tao na kumandidato ay nagsasagawa pa ng konsultasyon sa mga kaibigan, pamilya at tagasuporta bago tuluyang maghain ng COC at sumabak sa eleksiyon.

Ang tungkulin ng isang Pangulo ng bansa ay hindi biro lalo na sa mga iiwanang problema ng Duterte administration na inilubog sa utang ang Pilipinas, kawalan ng maraming trabaho kabuhayan at bagsak na negosyo na sadsad din ang kabuuang ekonomiya na pawang epekto ng pandemya.

Kaya naman dapat ay bago sumabak sa pagkandidato ang isang tao ay pinag-isipang mabuti ito, pinag-aralan ang mga ilalatag na plataporma.

Pero kung sa pag-amin ni Senator Bato na 2 oras bago ang deadline na 5 ng hapon siya inutusan na maghain ng COC ay Hindi pa ba ito maituturing na panunuya ito sa proseso ng eleksiyon sa bansa?

Kaya mga botanteng pinoy ay mag isip ng mabuti sa pagpili ng ihahalal na lider ng bansa na isang handa at may sapat na kakayahan upang lutasin ang problema ng bansa.

Nakasalalay sa ating mga botante ang kinabukasan ng mga Pilipino at ng buong bansa kung kayat marapat na pumili ng lider na seryoso at nakapag handa sa hinahangad na puwesto at ito ay ang pinaka mataas na posisyon ang Pangulo ng republika ng Pilipinas.

Leave A Reply

Your email address will not be published.