Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ang Pasko ngayong taon sa Taguig

0 86

Ilang linggo na lang, Pasko na!


Para magbigay pag-asa at matiyak na magiging matiwasay ang Pasko natin ngayong taon, suportado ng Taguig ang ligtas na pagbubukas ng ekonomiya at pagluwag ng mga restriksyon sa Metro Manila at ibang karatig na lugar.

Tulad ng karamihan sa atin, ang pagdiriwang ng Pasko ay nakatanim sa tradisyon ng bawat pamilyang Taguigeño kada taon. Sa okasyon na ito, tayo ay masayang nagsasalo-salo, nagsisindi ng mga parol sa mga tahanan, nagsisimbang gabi at nagbibigayan ng mga regalo.

Ngayong pandemya ay nais nating maibalik ang sigla ng kapaskuhan. Maraming industriya na ang pinapayagang mag-operate at marami na ring tao ang pwedeng lumabas. Ito ay dahil sa patuloy na pagbaba ng COVID-19 cases at agresibong pagbabakuna. Kapag nagtuloy-tuloy ito at lalo pang dumami ang mga mababakunahan lalo sa mga kabataan ay unti-unting maibabalik ang dati nating mga pamumuhay sa New Normal.

Gayunpaman, kailangan pa rin ang lubos na pag-iingat at pagsunod sa health at safety protocols tulad ng laging pagsusuot ng face masks at pagsunod sa physical distancing kapag lumalabas. Daan ito para mas gumanda pa ang estado ng Alert Level sa Metro Manila at iba pang parte ng bansa.

Pagkatapos ng maraming buwan na pananatili sa loob ng bahay, ang mga minors sa NCR ay pinapayagan na ring makalabas at makapunta sa malls, restaurants at iba pang pampublikong lugar. May inisiyatibo rin ang lokal na pamahalaan na magtalaga ng mga open parks at public spaces kung saan pwede pang pumasyal ang mga bata.

Mas ligtas din ang pumasyal at kumain sa labas, kaya sa Taguig ay dinagdagan ang kapasidad ng outdoor at indoor dining. Bago binuksan ang mga establisyemento at businesses ay dumaan ang mga ito sa inspeksyon at clearance mula sa Taguig Safe City Task Force para makapag-operate.

Marami pang ibang pinapayagan na aktibidad ngayon sa NCR pati sa lungsod. Kasama na dito ang outdoor exercises, mga misa, worship service at iba pang religious gatherings, social events, household gatherings at concerts.

SM food to go Banner Ad

Binuksan na rin ang mga museums, libraries at exhibits. Pinapayagan na rin ang face-to-face conferences at meetings sa mga opisina basta’t fully vaccinated ang mga empleyado.

Bukod dito ay pwede na rin ang operasyon ng theme parks, net cafes at personal care services tulad ng salons at barbershops.

Manunumbalik din ang tradisyon ng panonood natin ng sine ngayong Pasko dahil pinayagang muli ang operasyon ng mga ito. Kaya naman 26 cinemas na ang muling binuksan sa mga malls sa Taguig. Masaya itong sinusuportahan ng lungsod dahil makakatulong ito sa muling pagpapasigla ng film industry at pagbibigay aliw sa ating mga kababayan.

Para magpatuloy ang ganitong sitwasyon sa lungsod hindi lang para sa paparating na Pasko at Bagong Taon, pero maging sa susunod pang mga taon, agresibo ang lokal na pamahalaan sa pagpapaalala at pagpapatupad ng health at safety protocols.

Mahigpit na ipinapatupad sa lungsod ang minimum health standards. Sa pangunguna ng Taguig Safe City Task Force, ang lahat ng violators ay binibigyan ng paunang warning, hinuhuli o kaya ay ipinapasara ang mga establisyementong napatunayang lumalabag sa mga protocols.

Ito ang Pasko sa New Normal sa Taguig. Napakahalaga ng istriktong enforcement ng gobyerno at behavioral change ng bawat isa sa atin para sa pagbabalik ng dati nating pamumuhay. Tayo ay magpabakuna laban sa COVID-19, magsuot ng face mask, sumunod sa physical distancing at patuloy na mag-ingat.

Sa pamamagitan ng pagiging responsable nating lahat at kooperasyon sa patuloy na pagsunod sa mga pagbabago sa restriksyon ay tiyak na sasalubungin natin ang Pasko nang masaya, ligtas at payapa tulad ng nakagawian natin.

Leave A Reply

Your email address will not be published.