Abante Tonite Interactive

Ang pinili niyang hanapbuhay

154

Dear Kuya Rom,

Nakilala ko siya dahil kilala siya ng pinsan ko. Naging madalas ang text niya sa akin. Nagkaroon ako ng feelings sa kanya. Niyaya niya akong magpakasal kami. Sabi niya may trabaho siya sa casino at may ipon na siya. Iniwan ko ang aking mga magulang para makasama ko ang lalaking mahal ko. May isang anak na kami.

Maayos naman ang relationship namin. Kapag bakante siya, lagi siyang nasa loob ng bahay. Natutuwa ako dahil laging kasama siya ng anak namin. May oras na naglalaro siya ng baraha, at okay lang sa akin, para may libangan siya.

Hindi ko alam na adik siya sa poker. Nag-resign siya sa trabaho dahil nanalo siya ng malaki. Ang kita niya ngayon ay galing sa paglalaro niya ng poker.

Hindi niya raw kailangang magtrabaho. Huwag daw akong matakot kasi ang pagsusugal niya sa poker ay kontrolado. Sabi niya, madali ang kumita ng malaki sa poker. Sa dalawang oras lang, kung minsan, kumikita siya ng P80,000. Ginawa niyang trabaho at hanapbuhay na ito.

Hindi naman ako natatakot na dumating ang araw na maging pulubi kami dahil sa poker.

Responsable naman siya. Ang kita niya sa poker ay inilalagay niya sa ibang pagkikitaan tulad ng mutual funds at stocks. May nakatabing pera para sa hulog sa bahay at sa mga kailangan namin araw-araw. Komportable ang buhay namin.

Last year, malaki ang panalo niya buwan-buwan. Pero ngayon, madalas talo. Ang ayaw ko, kapag natatalo siya, mainitin ang kanyang ulo, naglalasing sa harap ng anak namin, at nangangamoy-alak siya.

Kuya, tawagin mo lang akong Corrie. Hindi namin problema ang pera. Pero sinisigawan niya ako at sumasama ang loob ko. Ayaw kong masira ang relasyon namin. Gusto ko siyang magbago, pero paano? Anong gagawin ko? — Corrie

Dear Corrie,

Posibleng totoo na kontrolado ng asawa mo ang paglalaro niya ng poker. Kung kontrolado niya ito, hindi masasabing addict siya dito. Maaaring may nakalaan siyang pera para dito araw-araw. Kapag natatalo siya at naubos na niya ang puhunan niyang pera sa isang araw, humihinto na siya. Ito ay tama. Pero kung madalas na hindi siya nananalo, lumalaki ang halaga ng perang nawawala, kaya’t umiinit ang ulo niya at naglalasing siya.

May mga taong magaling talaga sa poker at ginagawang career at hanap-buhay ito. Pero ang manalo ng malaki ay nakakaadik at masama, sapagkat nagiging sakim ka sa pera. Ang kasakiman sa pera ay sumisira sa karakter ng isang tao.

Ang mabuting gawin ay alisin ang kasakiman at paghariin ang pag-ibig sa kanyang puso.

Kapag pag-ibig sa kanyang pamilya ang iiral, hindi iinit ang kanyang ulo, hindi siya maglalasing, at hindi ka niya sisigawan kapag wala siyang kita sa pinili niyang hanapbuhay. Patuloy mo siyang mahalin at patawarin sa kabila ng mga pangyayari.

Ipagdasal mo ang iyong asawa. Ang Diyos lamang ang makakagawa ng tunay na pagbabago sa kanyang buhay. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom