Abante Tonite Interactive

Ang propeta kinikilala liban ng kababayan!

By ,
701

Mahalagang babala sa tanan ang aral ni HesuKristo sa Ebanghelyo ngayong ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon na ang isang ‘propeta’ ay ginagalang at kinikilala ng lahat, liban lamang ng kanyang sariling kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay (Cfr. Mc: 6:1-6). Isang aral tungkol sa pagkabulag sa gitna ng liwanag sanhi ng inggit ang pagbasa ngayong araw.

Sa pagdalaw ng Pa­nginoon upang ma­ngaral sa sinagoga sa lugar na kanyang kina­lakhan, namangha ang mga tao sa kanyang husay sa pananalita at karunungan. Nakara­ting na ang balita sa kanyang kababayan tungkol sa mga milagro na kanyang ipinamalas, ngunit imbes na matuwa sa kanyang pagbabalik nagtataka ang maraming nakarinig sa kanya at nagtanong.

Puna ng Simbahan, kung kailan sobrang maliwanag ang tanda ng mga himala at kung kailan pa nagtungo si Hesus sa kanyang sariling bayan, saka pa niya naramdaman ang lamig ng pagtanggap. Nakababahalang isipin ang kalagayan ng Panginoon na sa kabila ng kabutihang ginagawa niya, nanatiling sarado ang puso’t isip ng kanyang kababayan sa mga tanda nang pagdating ng Mesiyas!

Sa tagpo sa Ebanghelyo ngayong Linggo, lalo na ang pag-ungkat ng kanyang kababata kung sino ang kanyang mga kamag-anak sa kanilang lugar, muli nating napatunayan na totoo ang kasabihan na ‘familia­rity breeds contempt’ o ang lubos na pagkilala at pagpapalagayang-loob kadalasan ay sanhi nang pagkawala ng respeto.

Ang ipinakitang ugali, kilos, pagtrato at pag-iisip ng mga taga-Nazaret ay malinaw na palatandaan ng mababaw at kawalan ng pananalig. Dahil alam nila ang pinagbuhatang pamilya ng tanyag na guro at ang antas ng pinag-aralan ni Hesus sadyang hindi matanggap ng mga nakatunghay na mas nahigitan ni Hesus ang kanilang kaalaman at talino.

Ang totoo, nanatiling sarado ang kanilang puso’t isip at hindi makapaniwala kay Hesus ang kanyang kababayan dahil sa malalim na inggit! Sa nasaksihang pangyayari, ipinakikita na sadyang nakabubulag ang pagkainggit. Nakakahawa rin ito ng iba pang kasamaan. Turo ng Simbahan, ang taong may inggit ay malapit sa kalawakan ng pag-ibig sa kapwa at malimit ay naka­sentro ang atensiyon sa sariling kagustuhan lamang.

Dagdag pa ng Simbahan, dahil sa ‘talangka mentality’, natatabunan ang diwang pang­kabanalan at humihina ang ating personal na ugnayan sa Diyos. Ang ganitong kahinaan, mariing giit ng Simbahan, ang kalaban nang pagkilala sa tunay na Diyos at sa pagkilos ng Kanyang biyaya. Sa huli, nagdudulot ang inggit ng pagkabulag sa kabutihang-loob, talino at dunong ng Diyos.

Upang mapaglabanan ang inggit, payo ng Simbahan na ma­ging mulat sa mga biyaya na ating natatanggap at matutong ipagpasa­lamat ang mga handog sa atin ng Diyos. Dapat daw ay maging kontento muna tayo sa mga ipinagkaloob sa atin at huwag kailanman hadlangan ang pagkilos ng Panginoon dahil kung sarado tayo, hinding-hindi makakapasok at makagagalaw ang Poon sa ating buhay.

Dapat nating tandaan na ang siguradong sanhi ng pagkasiphayo at kalungkutan sa mundong ibabaw ang pagkumpara ng ating sarili sa kalagayan at kapalaran ng iba. Matalino at mabait ang Poon at sa iniukol na panahon, tatamuhin at tatamuhin rin natin ang ating mga mithiin at kahilingan, basta ‘wag lang tayong maging bulag sa Kanyang kabutihan at kadakilaan!