Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ang pulis ay protektor

0 315

Naisilbi na ang hustisya para sa pamilya ng mag-inang Sonia at Frank Anthony Gregorio makaraang mahatulan ng reclusion perpetua ang dating pulis na si Jonel Nuezca. At dahil walang death penalty sa Pilipinas, ito na ang pinakamabigat na maihahatol ng korte.

Sa desisyong ibinaba ng Paniqui Regional Trial Court Branch 106, reclusion perpetua ang parusa na may katumbas na 40 taong pagkakabilanggo para sa bawat count ng kaso ni Nuezca. Inatasan din ng korte si Nuezca na bayaran ang pamilya nina Sonia at Frank Anthony ng kabuuang P952,560.

Matatandaang naging viral ang video nang patayin ni Nuezca ang mag-inang Gregorio. Napanood halos ng buong Pilipinas kung paano niya walang awang binaril nang malapitan sina Sonia at Frank Anthony. Sa pamamagitan ng social media ay nasaksihan din natin na ginawa ni Nuezca ang krimen sa harap ng kanyang dalagitang anak. Kaya naman ngayong naibaba na ang hatol, kaisa rin sa pagsasaya ang sambayanang Pilipino na nakapanood ng viral video.

At para kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar, ang naturang hatol ay isang patunay na umiiral ang hustisya sa bansa. Kasabay ding napatunayan na hindi kinukunsinti ng Philippine National Police (PNP) ang mga bugok na pulis.

“Justice is finally served with the conviction of former Police Sgt. Jonel Nuezca. Nauunawaan namin ang pakiramdam ng pamilya Gregorio na hindi ito sapat sa bayolenteng pagkawala ng buhay ng kanilang dalawang kaanak. Subalit naipakita dito na umiiral ang hustisya sa ating bansa at kailanman ay hindi kinukunsinti ng inyong Philippine National Police ang mga ganitong uri ng pulis,” pahayag ni PGen. Eleazar.

SM food to go Banner Ad

Aniya pa, nag-iwan din ito ng aral para sa kapulisan dahil ipinaalala nito na ang mga pulis ay may tungkuling magbigay ng proteksyon sa sambayanang Pilipino. “This will serve as a lesson that will constantly remind us that as police officers we are the protectors of the Filipino people and not their tormentor,” dagdag pa ni PGen. Eleazar.

Tama ang naging pahayag ng ating PNP Chief. Tunay namang hindi matutumbasan ng kahit anong parusa kay Nuezca ang kirot sa puso na iniwan ng bayolenteng pagkamatay ng mag-inang Sonia at Frank Anthony. Kahit pa nga paulit-ulit bitayin si Nuezca ay hindi iyon magiging sapat para palitan ang buhay ng mag-ina. Dahil para sa buong pamilya Gregorio, walang puwedeng pumalit sa kanilang mahal sa buhay. Hindi na maibabalik ng kahit anong parusa kay Nuezca ang dalawang buhay na inutang nito.

Tama rin si PGen Eleazar na isa itong paalala para sa mga pulis na sila ay protektor at hindi berdugo. Ito ang isang malaking tsek na dapat maikintal sa utak at puso ng ating kapulisan. Marami kasing mga pulis ang utak boga, iyon bang dahil araw-araw silang nakakahawak ng baril ay naging feeling yata nila ay lagi silang may karapatang kalabitin ang gatilyo at iputok sa sinumang taong hindi nila nagustuhan ang karakas.

Kung mailalagay lamang sa puso’t isipan ng lahat ng pulis na sila ay protektor, baka sakaling mabawasan kung hindi man tuluyang mawala ang mga pagpatay na tulad ng ginawa ni Nuezca sa mag-inang Gregorio.

At habang nandiyan si PGen Eleazar para magpaalala sa ating kapulisan, nakakakita tayo ng pag-asang magbabago ang pananaw ng ilang pulis na utak-berdugo. Hindi natin isusuko ang paniniwalang mahahawa sa integridad ng ating PNP Chief ang buong kapulisan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.