Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ang puso ni Poe para sa mga jeepney driver

0 648

Halos apat na buwan ng wala sa kalsada ang mga tradisyunal na pampasaherong jeep dahil sa lockdown bunsod ng epekto ng COVID crisis at namimiligrong tuluyang hindi na masakyan ito ng mga ordinaryong mamamayan kapag tuluyang naipatupad ang phase out sa mga ito.

Dobleng dagok ito sa maraming tsuper ng jeep dahil isinabay pa sa krisis ang planong tuluyang phase out sa mga lumang jeep na mangangahulugan ng tuluyang pagkawala ng kanilang hanapbuhay.

Nagmamakaawa ang mga tsuper sa gobyerno na huwag silang tanggalan ng hanapbuhay dahil para na ring pinatay ang kanilang pamilya kapag itinuloy ang planong modernisasyon ng mga tradisyunal na jeep.

Katunayan, sa loob ng apat na buwang umiiral ang community quarantine sa iba’t ibang lugar sa bansa, halos hindi na maitawid ng mga tsuper ng jeep ang pang-araw araw na pagkain para sa kanilang pamilya kaya walang opsiyon ang iba sa mga ito kundi ang mamalimos at manghingi ng tulong sa mga mamamayan.

Ang nakakaawang kalagayang ito ng mga tsuper ay hindi nakalagpas kay Senador Grace Poe na chairman ng Senate Committee on Public Services kaya naman iginiit nito na magkaroon ng probisyon sa inilalargang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 na ipagbawal ang phase out ng public utility jeeps (PUJs).

Hindi napapanahon ayon kay Poe ang plano ng gobyerno na phase-out sa traditional jeeps dahil marami na ang mamamayang nagbabalik-trabaho at kulang na kulang ng masasakyan dahil kahit may tumatakbong trains ng Metro Rail Transit (MRT) , limitado lamang ang puwedeng sumakay kaya maraming mga pasahero ang nakakaranas ng hirap at sakripisyo.

Bukod dito, mapapabilang ang libo-libong tsuper sa listahan mga Pilipinong mawawalan ng trabaho kapag nagmatigas ang LTFRB na ipatupad ang phase-out at isulong ang modernisasyon ng mga pampbulikong sasakyan.

Maski ang mga ordinaryong mamamayan ay nararamdaman ang hinaing ng maraming tsuper ng jeep dahil tila ba nakakita ng pagkakataon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong COVID crisis para maipatupad ang phase out sa mga traditional jeep na matagal ng ikinasa ng gobyerno.

Kung tutuusin, hindi lang naman mga tradisyunal na jeeps ang may problema sa kanilang lumang units dahil mayroon pa rin namang mga pampasaherong bus na wagas kung makapagbuga ng maitim na usok sa kahabaan ng EDSA at kahit laspag na laspag na ay malaya pa ring humaharurot sa kalsada.

Sang-ayon ako sa mungkahi ni Senadora Poe na kung roadworthy naman ang jeep para tumakbo sa kalsada, hindi smoke belcher at ligtas para sa mga pasahero ay dapat na payagan ito para makapaghanapbuhay at makabangon ang mga naghihirap ngayon na mga tsuper ng traditional jeeps.

Sana naman isaalang-alang ng mga opisyal ng gobyerno sa mga panahong ito ng krisis ang hinaing ng kalam ng sikmura ng pamilya ng mga tsuper dahil batid naman na hindi sapat ang ayuda ng gobyerno para sa lahat ng mga sektor na naapektuhang ng COVID crisis.

Leave A Reply

Your email address will not be published.