Abante Tonite Interactive

Ang siling labuyo bilang herbal

552

Marami sa atin ang may gusto sa sili bilang sangkap sa lutuin. Lalo na ang mga Bicolano na mahilig sa maanghang. Mababa lamang ang puno ng sili. Kulay green ito kapag hilaw pa at pula naman kapag hinog na ang bunga. Ang sili ay may scientific name na Capsicum frutescens. Mabilis lamang itong tumutubo at karaniwan ng makikita sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Ito ay nagtataglay ng napakaraming kemikal at sustansyang makatutulong sa ating kalusugan. Kaya naman hindi lang ito basta sangkap sa mga lutuin kundi kapaki-pakinabang din bilang herbal. Ang bahagi ng halaman na ginagamit bilang gamot ay ang dahon at bunga nito.

Ang mga sumusunod ay ang mga tulong ng sili sa ating kalusugan.

1. Dahil sa copper at iron na taglay ng sili kung kaya’t ito ay may malaking naiaambag sa pagdadagdag ng ating red blood cells. Maiiwasan natin ang anemia at fatigue na siyang resulta ng kakulangan sa iron. Mayaman din ang sili sa folic acid na kailangan din sa produksyon ng red blood cell at lumalaban din sa anemia. Malaking tulong ito lalo na sa mga buntis na hindi maaaring magkulang sa folic acid upang hindi maapektuhan ang isisilang na sanggol.

2. Kung ikaw naman ay makakaranas ng sore throat, mainam na ipangmumog mo ang tubig na hinaluan ng dinikdik na siling labuyo. Kailangan mo lang tiisin ang anghang kung hindi ka mahilig dito para sa ikabubuti ng iyong lalamunan.

3. Kung ang iyong lalamunan ay kayang malunasan ng siling labuyo, ganoon din ang iyong ngipin kapag ito ay sumakit. Kakatasin mo muna ang sili at ang katas nito ang siya mong ipapasak sa butas o parte ng iyong ngipin na sumasakit.

4. Malaking tulong din ang sili sa ating mga mata. Ang taglay na Vitamin A ng siling labuyo ang siyang nakakatulong para mapa­natiling malinaw ang ating mga mata. Isang kutsara lamang nito na ihahalo sa iyong pagkain kada isang araw ay sapat na. Magagawa rin nitong masolusyunan ang night blindness at macular degenaration na sanhi ng ating pagtanda. (Geraldine Monzon)