Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ang Susunod na Daluyong

0 296

Matapos ang halos dalawang buwang lockdown (dalawang linggo ng pinakamahigpit na Enhanced Community Quarantine sa tinaguriang NCR Plus bubble ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal at isang buwang Modified ECQ) dulot ng walang kapantay na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 mula ng Marso (na umabot ng 15,310 kaso noong Abril 2), nagdeklara ang Malacanang na mapasaiilalim sa “pinahigpit” na General Community Quarantine ang naturang rehiyon mula Mayo 15 hanggang 31. Batay umano ito sa pagbaba ng nauulat na bilang ng kaso kada araw (na kasalukuyang nasa lima-anim na libo), muling pagluwag ng hospital capacity, pagdating at roll-out ng pagbabakuna, at pangangailangang muling pasiglahin ang ekonomiya. Sa “pinahigpit na GCQ,” pinahihintulutang lumabas ng bahay ang mga nasa edad 18 hanggang 64; magbukas sa limitadong kapasidad ang mga restawran at tourist site, religious gatherings, at iba pang aktibidad, habang pinananatili ang ilang limitasyon sa transportasyong publiko.

Walang duda na malaking salik sa pagbaba ng bilang ng kaso ang lockdown. Sadyang mababawasan ang hawahan ng virus kung mananatili sa tahanan ang mamamayan. Gayunman, malinaw din ang pinsalang dulot nito sa pangkalahatang ekonomiya na direktang nadudulot ng hirap at gutom laluna sa hanay ng maralita. Patunay nito ang mahabang mga pila para sa kapos na ayuda (Php 1,000 kada indibidwal) mula sa gubyerno (ngunit hindi pa rin tapos ang pamamahagi) at ang pagsulpot ng mga community pantry (may mahigit 6,000 na sa buong kapuluan) na pribadong inisyatiba ng mga mamamayan upang punuan ang kakulangan ng gubyerno.

Sa kasamaang palad, muling winaldas ng administrasyong Duterte ang pinagdaanang sakripisyo ng ikalawang lockdown. Sabi nga ni Gary Valenciano, “hindi na natuto.” Hindi signipikanteng dinagdagan ang testing capacity ng bansa (hindi humihigit sa 50,000 ang daily testing rate). Nananatiling limitado ang kakayahan ng gubyerno sa contact tracing. Sa madaling sabi, hindi pa rin napauunlad ng gubyerno ang kakayahan nitong tukuyin ang mga kaso ng COVID-19, putulin ang mga “chains of transmission,” at pigilan ang community transmission.

SM food to go Banner Ad

Naiiba ngayon, kumpara sa nakaraang taon, ang pagdating ng bakuna. Patunay ang karanasan ng United States, United Kingdom, at ilan pang mga bansang nagmonopolyo sa pandaigdigang supply ng bakuna at mabilis na nagturok nito sa malaking bilang ng kanilang populasyon na epektibong mapipigilan nito ang paglaganap ng impeksyon. Sa kasamaang palad, nananatiling kapos ang supply ng bakuna na dumarating sa bansa (na pinalala ng makupad at palpak na pakikitungo ng administrasyon sa mga supplier) at mapagal ang roll-out ng pagbabakuna sa populasyon (nasa 2.92 milyon ang naiturok, at 676 libo ang nakakumpleto ng 2 turok, o 0.6% pa lamang ng populasyon). Samantala, may mga indikasyon na nakarating na sa loob ng bansa ang higit na nakahahawang mga variant, tulad ng B.1.1.7 (“UK variant”) at B.1.617 (“Indian variant”).

Kung gayon, hindi malayong mangyari na sa panunumbalik ng NCR Plus sa GCQ, muling mabibigyan ang coronavirus ng pagkakataong malayang makihalubilo sa populasyon, dumapo sa mga bagong biktima, makapaglakbay sa iba’t ibang sulok ng bansa, at makapagtipon ng bagong lakas para sa susunod na daluyong sa huling hati ng taon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.