Abante Tonite Interactive

Ang sweet mo

305

Dalawang kutsara ang asukal sa kape. Panay pa ang inom ng softdrinks at milk tea. Kung maka-extra rice ay parang hindi na kakain ng hapunan. Ang tinapay naman ay pinapaliguan ng jam o chocolate spread.

Akala ni Jay, isang ride sha­ring driver, dahil bata pa siya at wala silang lahi ng diabetes, hindi siya magkakaroon ng sakit na ito kahit na magkakain pa siya ng matatamis. Akala rin niya, matatamis lang ang nakaka-diabetes. Hindi niya alam na ang pagkaing ma-carbohydrates tulad ng puting kanin at tinapay ay may mataas na glycemic index.

Ang glycemic index ay scientific na sukatan ng carbohydrates sa pagkain at kung paano nito naaapektuhan ang asukal sa dugo. Ang carbohydrates na mababa ang glyce­mic index (GI) ay mas mabagal na natutunaw sa a­ting tiyan at umiikot sa ating dugo. Dahil diyan, mabagal din ang pagtaas ng asukal sa ating dugo at ang pa­ngangailangan sa insulin.

Ang high sugar diet ay maaa­ring maging dahilan ng pamamaga ng mga daluyan ng dugo, pagtaas ng blood sugar at blood pressure, na maaa­ring mauwi sa sakit sa puso, stroke at kidney disease.

Tumataas din ang pa­nganib ng kanser kapag ‘di mapigilan ang matatamis. Esophageal, pleural at kanser ng maliit na bituka ang kadalasang kinahahantungan ng mahilig sa matatamis.

Tumataba rin at taghiwayatin ang mga mahilig sa high su­gar diet.

May epekto rin sa utak ang mataas na a­sukal sa ating kinakain. Nade-depress at nagiging makakalimutin ang mga taong taas-baba ang asukal sa dugo.

At malaki rin ang epekto nito sa libido. Kadalasang nawawalan ng gana sa pakikipag-sex ang mga matataas ang blood sugar.

Hindi pa naman huli ang lahat. Maaari pa ring maiwasan ang pagtaas ng asukal sa dugo nang hindi nasasakripisyo ang hilig natin sa pagkain.

Palitan lang ang may mataas na GI ng healthier alternative. Kasama sa mababa ang GI ay ang brown o red at black rice, bran, wheat bread, pasta, mga mani, at karamihan sa gulay at prutas. Uminom ng mara­ming tubig, ma­tulog ng 8 oras at tigilan ang pagpupuyat, at mag-ehersisyo.

Kaya sa susunod na mag-e-extra rice, milk tea, cake, tsokolate at candy, isipin munang mabuti kung handa ka bang magka-diabetes?