Abante Tonite Interactive

Ang tatlong bisita

272

Rey T. Sibayan

Mga ka-Misteryo pag-usapan natin ang karanasan ng isang lalaki na sinasabing binisita ng taga-ibang planeta o ekstraterestriyal.

Sa kuwento ni Lando ng Malabon, kagaga­ling lang niya sa trabaho nang gabing iyon at dahil sa matinding pagod ay madali siyang nakatulog.

Pagkalipas ng ilang oras ay nagulat na lamang siya at nagising kung bakit nasa tapat siya ng isang mall sa Pasay.

Hindi lubos maisip ni Lando kung bakit siya nandoon samantalang ang alam niya ay natutulog siya.

Bigla siyang nakakita ng maliwanag at bilog na bagay na lumilipad palapit sa kanya mula sa itaas lagpas ng gusali ng hotel sa tapat ng mall.

Kinabahan si Lando nang 25 metro ang layo ay biglang may liwanag na tumama sa lupa. Hindi siya makakilos sa kanyang kinatatayuan at nanlalamig siya.
Kasunod nito may tatlong nilalang ang lumitaw sa liwanag na nakitang may malala­king ulo bagaman hindi niya maaninag ang mga mukha.

Unti-unting lumapit sa kanya ang tatlo ngunit napansin niya na nagbabago ang anyo ng tatlong bisita.

Hanggang sa makalapit sa kanya ay pawang mga hitsurang tao na ang mga ito na matatangkad at naki­pagkamay sa kanya.

“Kaibigan narito kami pala tulungan ka. Kami ay napag-utusan lamang ng iyong ama.” Sabi ng isa sa tatlong nilalang na nakangiti sa kanya.

Ang ipinagtataka ni Lando, Hindi bumubuka ang bibig ng nilalang at sumunod ding nakipag-kamay sa kanya ang dalawang iba pa.

Ganundin hindi niya nakitang nagsalita sa kanilang bibig ang dalawa ngunit malinaw niyang narinig ang kanilang sinasabi.

Pinilit niyang magsalita ngunit hindi rin bumuka ang kanyang bibig, bagama’t nasabi niya ang katagang: “Sino kayo?”

Sumagot ang tatlo, “kami ay ipinadala ng iyong ama para bantayan ka dahil marami kang dapat gawin.”

Pagkatapos noon, unti-unting nagbago ang hitsura ng tatlo at malinaw niyang nakita ang ilang mga mukha na may malalaking ulo. Kita niya ang mga mata ng tatlo na hugis mala­king almond at may maliit na bibig at maliit na tenga sa magkabilang gilid ng kanilang ulo.

Napansin niya ang kakaibang suot ng tatlong bisita na hugis tatsulok sa kaliwang dibdib na may bilog na tila mata sa gitna.

At narinig niya ang mga katagang “narito lang kami kung kaila­ngan mo” sabay lutang sa hangin at tinamaan ng liwanag paangat patungo sa malaking bilog na sasakyan na nakalutang sa taas. Hanggang sa bigla siyang nagising sa pagkakatulog at nagpasalamat na panaginip lamang ang kanyang nakita.

Maraming ganitong karanasan na tila pana­ginip lamang ngunit sa totoo lamang ay nangyari talaga ang pagtatagpo o engkuwentro sa astral world o kabilang dimensiyon. Sinasadya itong gawin ng mga ET para hindi matakot ang kanilang target na maging alien contact.

Para sa inyong mga karanasang kababalaghan at nakakatakot, mag-email sa misteryophilnet@gmail.com. Bisitahin ang website ng Abante maging ang www.reytsibayan.com at FB page: Misteryo Pilipinas.