Abante Tonite Interactive

Ang tatlong eroplano

DREAM CATCHER

0 121

Napanaginipan kong nakakita daw ako ng tatlong eroplanong lumilipad magkakasunod. Kita ko ring maaliwalas ang langit, asul na asul. Nakatayo daw ako nang makita ko ang isa kaya pinanood ko.

Maya-maya daw ay sumunod ang isa pang eroplano, tapos ay ang isa pa. Iyon lamang ang natandaan ko nang magising ako. Tatlong eroplanong lumilipad. Ano ang ibig sabihin ng aking panaginip?

Ang eroplano sa panaginip ay sumisimbolo ng paglalakbay at ng spiritual journey sa iyong buhay. Sa iyong panaginip, nakita mo ang tatlong eroplano na magkakasunod lumipad. Kung ang bawat eroplano ay mga goal mo sa buhay, masasabi mong nag-uumpisa ka na sa iyong paglalakbay.

Puwede mong ituring ang tatlong eroplano bilang tatlong bagong goals sa buhay. Lahat ng ito ay naumpisahan mo. Ikaw ang piloto ng tatlong eroplano. Ang biyahe ng tatlong eroplanong ito ay ang takbo ng buhay mo.

Maituturing mo ngayon na importante ang kahulugan ng tatlong eroplanong ito at base na rin sa kanyang paglipad, paitaas at hindi pababa, ay maituturing na positibo ang iyong panaginip.

Alam natin na sa bawat paglipad ng eroplano ay may tiyak itong destinasyon – malalayong lugar ang pinupuntahan at ginagamit nga ang eroplano para mapabilis ang pagtungo sa destinasyon mo.

Sa anumang pakikipagsapalarang pinapasok mo sa buhay, dapat ma­naig ang positibong pananaw at maging ang iyong subconscious ay may positibong ipinahihiwatig. Nakaarangkada ka na at nasa iyong mga kamay ang kontrol para igiya ang takbo ng iyong buhay.

Kung nakita mong naging delikado o kakaiba ang lipad ng eroplano, baka nag-iwan pa sa iyo ng pangamba ang iyong panaginip. Sinabi mo rin na maaliwalas at asul ang langit nang makita mo ang mga eroplano kaya naman puwede itong maging indikasyon na wala kang nakikitang magiging aberya sa iyong mga tina-target sa buhay.

Kung pagbabasehan naman ang bilang na tatlo, representasyon naman ito ng pagkakaisa ng iyong mind, body and soul at sa ispirituwal ay ang Holy Trinity. Ang tatlo ay indikasyon ng pag­lago, expansion at kasaganaan. Indikasyon ito ng iyong productivity.

Gayunpaman, ang panaginip ay hindi dapat ituring na assurance dahil hindi naman ito isang omen o pa­ngitain kaya naman kung anuman ang magandang pinagkakaabalahan mo sa buhay ay ituloy lamang ang pagpupursige. Nasa iyo pa rin ang kontrol, nasa katotohanan at wala sa panaginip na nagbibigay lamang ng simbolo.

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating pana­ginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispi­ritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.