Abante Tonite Interactive

Ang tindi ng korapsyon sa BI

434

Nakakagimbal ang pasabog sa Bureau of Immigration.

Kung hindi pa sa coronavirus o COVID-19 ay hindi mabubuking ang kalokohan ng 90 porsiyento raw ng mga empleyado at opisyal ng BI.

Ito ay ang tinawag na ‘pastillas’ scheme kung saan ay nagbabayad umano ng P10K ang mga Chinese na nasa likod ng ope­rasyon ng POGO para mabilis na maproseso ang pagpasok nila sa bansa.

Sumabog ang eskandalong ito kasabay ng pagkakalantad ng mga iregularidad na nangyayari sa malayang operasyon ng POGO.

Wish ko lang ay may kahantungan ang nadiskubreng kalansahan ng mga taga-BI.

Hindi lang sana pagsibak ang kanilang abutin. Kasuhan din sila at i-forfeit ang benepisyong dapat ay matatanggap nila dahil sapat-sapat na ang kinita nila sa kanilang modus.

***
Tumanggap ng pagkatalo

May leksyong iniwan para sa mga talunang kandidato ang sinapit ng ­magkapatid na sina mayoralty bet Arnel Cerafica at ­Congressional candidate Allan Cerafica.

Sa ngayon nahaharap sa mga kasong sedisyon, illegal assemblies, public disorder at violation of BP No. 880 ang magkapatid dahil sa kanilang ginawang mga ilegal na pagtitipon sa layu­ning hikayatin ang mga taga-Taguig na kumilos laban sa mga nanalong sina dating Senador Alan Peter Cayetano at film director Lino Cayetano.

Dahil hindi matanggap ng Cerafica ­brothers ang kanilang pagkatalo tinangka nilang mang-urot sa mga taga Taguig gamit ang kanilang mga ­supporter.

Matinding trapiko at kaguluhan ang ­idinulot ng kanilang inisponsorang mga ­rally kung saan ipinagsigawan ng kanilang mga ­supporter na nagkaroon ng da­yaan sa nangyaring eleksyon.

Dahil sa mga rally at tensyon, hindi agad nagampanan ng mga nanalong opisyales ang kanilang ­trabaho at naantala ang ­pagbibigay serbisyo sa mga constituents.

Hayan tuloy kaliwa’t kanang kaso ang ­kakaharapin ng magkapatid na Cerafica.

Talo na nga gagastos na naman sila para sa litigasyon ng mga kaso. Kung nanahimik na lang sana sila eh di sana’y wala silang sakit ng ulo ngayon!
Ang leksyon: ­matutong tumanggap ng pagkatalo!