Abante Tonite Interactive

Angara pinasaya ang mga kaibigan bago namayapa

By
2,150

Bago namatay si da­ting Senador Edgardo Angara, naging bisita niya sa kanyang Tagaytay rest house noong Sabado nang hapon ang kaibigan na si Senate Minority Leader Franklin Drilon at iba pang kasamahan sa law firm na kanyang itinatag.

Nagmeryenda sila doon dakong alas-kuwatr­o nang hapon hanggang sa umalis si Drilon at mga bisita ni Angara pasado alas-siyete nang gabi.

Inihatid pa ni Angara ang kanyang mga kaibigan sa labasan, lumalabas na ito na ang huling pamamaalam niya sa mga kaibigan sa trabaho at politika.

Ayon sa ibinigay na impormasyon ni Senador Sonny Angara, pumasok sa kuwarto ang kanyang ama dakong alas-7:45 nang gabi.

Nakasanayan ng ma­­­tan­dang Angara na bumangon ng alas-tres nang madaling-araw pero noong Linggo, hindi niya ito ginawa.

Ginising pa ito ng caregiver dakong alas-siyete nang umaga para mag-almusal pero nagpa­sabi ang dating senador na matutulog pa siya.

Dakong alas-10:30 nang umaga, muling pu­masok sa kuwarto ang caregiver pero napansin niyang hindi na gumagalaw ang dating senador. Nilapatan pa niya ito ng CPR, habang inihahanda naman ng driver ang sasakyan pa­ra dalhin sa ospital.

Sa Tagaytay Medical Center na bina­wian nang buhay ang matandang Angara pasado alas-11:00. (Reportoria­l Team)