Abante Tonite Interactive

Angel ‘di inambisyong masampal ni Maricel

1,315

Ni: ROLDAN CASTRO

Mas magiging maningning ang bawat gabi ngayong bagong taon dahil magaganap na ang inaabangang pagbabalik ni Angel Locsin sa primetime sa pagbida niya sa “The General’s Daughter” na malapit nang mapanood sa ABS-CBN.

Muling kabibiliban si Angel sa telebisyon sa pagganap niya bilang si Rhian Bonifacio, ang anak ng he­neral na hinubog upang patayin ang mortal na kaaway ng kanyang pamilya. Ngunit ang hindi niya alam, ang buhay niya ay puno ng kasinungalingan dahil ang tao kanyang kinamumuhian ay ang kanya palang tunay na ama.

Asahan ang mas matapang at mapangahas na Angel sa kanyang bagong serye dahil muli niyang ipapakita ang husay niya pagdating sa action-drama sa maaaksyong fight scenes na mapapanood. Makikipagsabayan din siya sa mga beteranong aktor gaya nina Maricel Soriano, Tirso Cruz III, at
Albert Martinez na muling magpapamalas naman sa husay nila sa pag-arte.

Tuwang-tuwa si Angel na nakasama niya si Maricel Soriano.

“Kinakausap niya ako sa gilid at binibigyan niya ako ng poin­ters.
Nakakatuwa bilang isang Diamond star para i-share niya ‘yung knowledge niya. Puwede naman niya akong paba-yaan, eh na magmukha akong kawawa sa eksena na hindi mo naibigay ‘yung emosyon na needed pero nag-effort talaga siya,” deklara ni Angel.

Pinangarap din ba niyang masampal ng isang Maricel Soriano?

“Hindi ko inambisyon kaya nga gusto ko friends kami dito. May eksena nga kami na medyo nagkakaroon kami ng friction, natatakot po ako kasi ayaw kong maramdaman, maranasan ‘yung legendary sampal ni Tita Maria. Gustong-gusto ko po kampi lang kami dito,” sey pa niya sabay tawa.

Mananapak, maninipa

Sa huling teleserye ni Angel ay meron siyang cat fight, dito ba ay meron din?

“Dito kasi sasapakin kita. Sisipain kita. Mas direkta. Marami kayong aabangan sa ganyan,” pakli ng aktres.

Bago naman ang inaabangang pagbabalik ni Angel, patuloy ang pagning-ning ng bituin niya sa telebisyon noong nakaraang taon. Napanood siya sa hit teleseryeng “La Luna Sangre” at pi­nuri sa performance niya sa isang episode ng “MMK,” kung saan ginampanan niya ang buhay ng isang Muslim na ipinaglalaban ang hustisya matapos mapagbintangang isang kidnapper.

Naging hurado rin siya sa dalawang season ng “Pilipinas Got Talent,” kung saan nakasama niya ang mga naglalakihang bituin na sina Vice Ganda at Robin Padilla at dating ABS-CBN executive na si Freddie M. Garcia na sumala sa pinakamahuhusay na talento ng bansa.

Humakot din si Angel sa takil­ya sa kanyang pelikula na “Everything About Her” kasama si Xian Lim at ang Star for All Seasons na si Vilma Santos. Dahil sa pagganap niya sa pelikula, ilang mga award-giving body ang kumilala sa kanyang husay gaya ng KBP Golden Dove Awards, Asia Pacific Film Festival, at Gawad Tanglaw.

Samantala, makakasama rin ni Angel sa “The General’s Daughter” sina Eula Valdez, Janice De Belen, Paulo Avelino, JC De Vera, Arjo Atayde, Ryza Cenon, Ronnie Alonte, at Loisa Andalio. Magkakaroon din ng espesyal na partisipasyon sa serye ang Diamond Star na si Maricel Soriano.

Ang “The General’s Daughter” ay sa ilalim ng direkyon ni Manny Palo at Mervyn Brondial.