Abante Tonite Interactive

Angel nililigawan sa politika

935

Nakakuwentuhan namin ang pinsan ng isang nurse na nagtatrabaho sa isang malaking ospital. Gusto nitong iparating ang pasasalamat ng kanilang buong pamilya kay Angel Locsin sa mapuso niyang pagkakaroon ng malasakit at pagpapahalaga sa mga frontliners.

Kuwento ng aming kaibigan, “Alam mo bang mula nu’ng magkaroon ng coronavirus, e, hindi na kami nagkikita ng pinsan ko? Isang bahay lang ang tinitirhan namin, pero almost five weeks na kaming hindi nagkikita?

“Kumuha na kasi sila ng place ng iba pa niyang mga kasamahang nurses, ayaw na nilang umuwi, dahil sa security ng mga pamilya nila,” kuwento ng aming kaibigan.

Maraming salamat dahil may isang Angel Locsin na nagkaroon ng ideyang magtayo ng mga tent na puwedeng gawing pansamantalang tirahan ng mga frontliners. Malaking ginhawa ‘yun para sa kanila. Ligtas na sila ay menos gastos pa.

Umuupa sila ng bahay, hati-hati silang magkakasama, namamasahe pa sila papunta sa ospital at pauwi kung kinakailangan nilang kumuha ng mga kagamitan.

Kaya pataas nang pataas ang hiling ng mga kababayan natin na makilahok na sa mundo ng pulitika si Angel. Ang tulad nga naman niyang wala namang upuan sa gobyerno, pero mas matindi pa sa nakaposisyon ang nagagawa, ang kailangang-kailangan ng ating bayan.

Si Angel Locsin, para sa mga hindi pa nakakaalam, ay pamangkin ng makabayang personalidad na si dating Party List Congressman Neri Colmenares.

Linyado na talaga ang aktres, mulat na siya nu’ng bata pa lang siya ng kahalagahan ng pagtulong, ‘yun ang idinidikdik ng kanyang puso.

Kay Angel Locsin natin maihahapay ang kasabihang beautiful inside and out. Maganda na siya ay may mabuti pa siyang kalooban.

Napakasuwerte sa kanya ni Neil Arce, ang kanyang mapapangasawa, dahil kung mapuso na ang aktres para sa kanyang kapwa ay di lalo na sa kanyang sariling pamilya.

Gusto lang naming magtawid ng pasasalamat sa mga taong may pagmamahal at malasakit sa mga panahong limitado lang ang ating galaw.

Sinusunod namin ang enhanced community quarantine, literal kaming hindi lumalabas ng bahay, halos isang buwan na naming hindi nakikita ang langit.

Puro pakikipagbalitaan lang sa telepono ang komunikasyon namin, bawal maging pasaway, para makaiwas tayo sa mikrobyo.

Maraming-maraming salamat kina Mayor Enrico Roque ng Pandi, Bulacan at kay Tita Flory Estrada na palaging may panahon para sa aming mga pangangailangan.

Nagpapadala sila ng mga gulay, isinasali nila kami sa kanilang mga tinutulungang nasasakupan, hindi pulitiko si Tita Flory Estrada pero daig pa nito sa pagsuporta ang mga nakaupong serbisyo-publiko.

Ang inaning palay ni Tita Flory sa San Rafael, Bulacan ay ipinagiling nila para maipamahagi sa mga nangangailangan nilang kababaryo sa Pulo.

Nagpakatay rin ito ng kanyang mga alagang baboy sa bukid, ipinadala sa amin ang karne na parang puwede na kaming magtayo ng karihan, sila ang mga hulog ng langit sa aming buhay.

Maganda at maayos ang patakbo ni Mayor Enrico sa Pandi, pinag-aaralan niyang mabuti kung paano siya makapamamahagi ng ayuda nang ligtas ang mga Pandieno sa pagtanggap, siya ang nagpasimula sa paglalagay ng mga silya sa harapan ng kani-kanyang bahay para walang direktang contact sa mga nagdadala ng suporta ang mga naninirahan.

Sa mga ganitong pagkakataon natin nakikilala ang mga tunay na kaibigan. May malasakit at pag-aalala at pagmamahal.

Hindi lang sila kaibigan sa halakhakan, nand’yan sila kahit sa panahon ng indulto, ang aming pasasalamat at pagsaludo kina Mayor Enrico Roque at Tita Flory Estrada.

Mabuhay kayo!

Tonite – Wendys Inhouse Ad