Abante Tonite Interactive

Angel sigurado na ang boto sa Senado

1,495

Hindi nagbibiro ang mga nakakausap namin. Kapag sa darating na eleksiyon daw at kumandidato si Angel Locsin sa pagiging senador ay sigurado na agad ang kanilang boto para sa aktres.

Hindi na sila magdadalawang-isip, uunahin daw nila ang pangalan ni Angel Locsin sa listahan, ganu’n katindi ang tiwala sa kanya ng mga kaibigan namin.

Kahit sa social media ay umaani ng papuri si Angel. Iisa ang tono ng mga pahayag ng mga kababayan natin, mapuso si Angel Locsin, sinsero sa kanyang pagtulong sa mga nangangailangan.

Tanong ng kaibigan naming propesor, “Napakatapang ni Angel, ha? Ano ba ang ipinabakuna niya para magkaroon siya ng lakas ng loob na mag-ikot para makatulong sa mga frontliners?

“Hindi biro ang mga ginagawa niya ngayon, isinusugal niya ang buhay niya, mabigyan lang ng pagpapahalaga ang mga frontliners!” opinyon ni prop.

Maraming tent nang naipatatayo si Angel sa mga lugar na malapit sa mga ospital. Kumpleto ang tent, makatutulog nang mahimbing ang mga frontliners, ligtas sila du’n at nakadisenyo nang maayos ang mga tent na maaari nilang tirhan.

Pero hindi inaangkin ni Angel ang kredito, pinasasalamatan niya ang lahat-lahat ng mga sumusuporta sa kanyang adhikain, siya lang ang nagpasimuno sa proyekto pero resulta ‘yun ng mga mapusong pakikiisa sa kanya ng ating mga kababayan.

Hindi mahilig dumalo sa mga party si Angel, pero sa mga nagaganap na kalamidad sa ating bayan ay palagi siyang nakikita, ginagawa niya ‘yun nang walang ingay.

Lindol, baha, giyera, pagputok ng bulkan, bagyo–ang lahat ng mga lugar na tinamaan ng kalamidad ay dinadayo niya talaga para mabiyayaan.
Delikado ang mga sinusuong niyang lugar pero pinatatapang si Angel ng kanyang pagmamalasakit sa mga nangangailangan.

Wala siyang planong makilahok sa mundo ng pulitika, ilang beses na niyang sinasabi ‘yun, pero siguradong walang magagawa ang aktres kapag ang taumbayan na ang nagtulak-bumuhat sa kanya papunta sa munisipyo para makapagsumite ng kanyang COC (certificate of candidacy).

Maraming guhit ang ating palad. Sa pagkapanganak pa lang sa atin ay meron nang nakatakdang puntahan ang ating kapalaran.

Sa magagandang ginagawa ngayon ni Angel Locsin para sa kapakanan ng mga kababayan nating sumisigaw na isa siya sa mga nagiging sagot ay hindi kami maaaring magkamali.

May nakareserbang upuan para sa kanya sa Senado. Peksman.

May mga nagsasabi na ngayon daw pinakamasarap mamatay ang mga frontliners. Ituturing kasi silang bayani ng bayan.

Para silang mga armadong sundalo na namatay sa gitna ng laban. Siyempre’y hindi natin gusto ang pagkukumpara, ayaw nating mamatay ang mga kababayan nating nagsasalang ng kanilang buhay sa gitna ng pakikipaglaban sa COVID-19, kaya patuloy ang ating pag-usal ng dasal para sa kanila.

Literal na giyera ang pinagigitnaan ngayon ng mga frontliners, digmaang walang katiyakan, dahil hindi nila nakikita ang kanilang kalaban.
Pero sa kabila ng takot ay nandu’n pa rin sila, nakikipaglaban nang sabayan, para lang makapagligtas ng buhay ng kanilang kapwa.

Marami nang nalagas sa kanilang hanay, patuloy pang nadadagdagan ang bilang, panalangin lang ang kanilang hinihingi para patuloy pa silang maging armado sa giyera ng buhay na hinaharap ng buong mundo ngayon.

Tonite – Wendys Inhouse Ad