Abante Tonite Interactive

Angeles City LGU website na-hack, listahan ng 16,000 botante nakuha

253

By Eileen Mencias

Tinesting ng hacker na si InFamouz TV ang official website ng Angeles City government at natunton niya ang mga kahinaan nito kaya’t na-access niya ang voters list dito.

Sa pahayag ni InFamouz TV sa Abante, isa siyang white hat o ethical hacker na ang layunin ay tignan at subukan ang security ng isang information system.

Ayon kay InFamouz TV, mahina ang security ng Angeles City government website dahil madali lang itong napasok at nagawa niya ito nang wala man lang admin username o password at nakapag-upload pa siya ng kanyang file sa website nito.

Pinaalam na ni InFamouz TV sa developer ng website ang kahinaan nito ngunit lumipas na ang mahigit 12 oras at hindi pa rin siya nito sinasagot.

Dagdag pa ni InFamouz TV, nagka-access pa siya sa database ng Angeles sa listahan ng mga botante na mahigit 16,000 katao.

Tinawagan ng Abante ang telepono ng Angeles City Information Office ngunit mali na ang numerong nasa Facebook page nito at hindi masiguro kung makukuha nito ang mensaheng iniwan sa website dahil sa palpak ang admin nito.