Abante Tonite Interactive

Angelica bad influence kay JM

By
2,450

Okja ang pabirong tawag ni Angelica Panganiban sa kanyang adoptive mother na si Mommy Annabelle Pa­nganiban.

Mula nang mapanood ni Angelica ang nasabing Korean film sa Netflix na bida ang ‘super pig’ na si Okja ay ‘yun na ang bansag niya sa kanyang malusog na madir.

Lovable at nakakatuwa si Okja, na ang sarap ala­gaan at yakap-yakapin. Nang mag-birthday si Mommy Annabelle nu’ng February ay ang cute ng Instagram greeting dito ni Angge.

“Hindi naman na sikreto ang kuwento ng buhay natin. Pero hindi ko pa nagsasabi sa ‘yo na sa­lamat. Salamat sa buhay na meron ako ngayon, na hindi ko ipagpapalit kahit pa papiliin ako.

“Salamat dahil kahit minsan, hindi ko natanong sa sarili ko kung paano ba magmahal ang tunay na ina. Minahal mo ‘ko nang higit pa sa sarili mo. Sa­lamat dahil hindi ko naram­daman kahit minsan na may kulang sa pagkatao ko.

“Alam kong hindi ko kayang tumbasan ang pagmamahal mo. Pero, mahal na mahal kita, Ma. Lahat ng fats mo, mahal ko. Happy birthday Okja!” ang sweet message ni Angelica sa kanyang loving mudra.

Ang daming nakyutan sa tawag na ‘yon ni Angge sa mommy niya, so ‘Mama Okja’ na rin ang tawag dito ng kanyang mga fan.

Sa isang Instagram Story ng Kapamilya actress ay mukhang may pinatatamaan siya sa post niya na ang caption niya ay, “Not my Family. Not my Mother. Not my Okja…”

Ang tinuturong kaparunggitan ni Angelica ay ang ama ni JM de Guzman na si Ronniel de Guzman.

May IG post kasi ang fadir ni JM na screenshot ng super pig na si Okja, tapos ay may post din ito ng picture ng ina nito, na ang caption ni Mr. de Guzman ay, “This is my mom. I call her ‘mommy.’ She is my everything. She will turn 80 this September. Kayo po, paano n’yo po tinatawag ang nanay n’yo? JM calls her mom ‘mama,’” tapos ay may hashtag na #respectyourparents.

Nababastusan kaya ang tatay ni JM na tinatawag ni Angelica na Okja ang madir nito?

Bilang ama ay karapatan ni Mang Ronniel na pagsabihan at gabayan ang kanyang anak kung sa tingin niya ay medyo nalilihis na naman ito ng landas o nababarkarda ito sa mga maling tao.

Baka may mga nakita ang ama ni JM kay Angelica na hindi niya nagustuhan kaya ganu’n ang kanyang reaksyon.

Pero karapatan din ni Angelica kung anuman ang gusto niyang itawag sa kanyang kinikilalang ina. And knowing her, handa siyang ipaglaban at ipagtanggol ang mga ito.

Matalik na magkaibigan sina Angge at JM, na nag­tambal noon sa blockbuster hit na That Thing Called Tadhana.

Huwag sana itong makaapekto sa friendship nila, lalo’t may balitang meron silang gagawing pelikula together. Alam ni Angelica kung totoong bad influence nga siya kay JM o hindi.

Utot ng NashLene, kabisado na

Parang hindi kami makapaniwala na hindi pa pala nagtambal noon ang Goin’ Bulilit stars na sina Nash Aguas at Sharlene San Pedro.

Ang sabi sa amin ng dalawang Kapamilya stars na parehong 19-anyos na ngayon, nagiging nanay-tatay o lola-lolo sila sa skits nila dati sa Goin’ Bulilit, pero hindi pa sila naging mag-partner.

At dahil sabay nga silang lumaki at lagi silang nagkakasama sa trabaho, sobrang komportable na sina Nash at Sharlene with each other, na alam na nila pati amoy ng utot ng isa’t isa.

Si Nash ay nagkaroon ng NLex loveteam with Alexa Ilacad (na naka-MU ni Nash), habang si Sharlene ay nagka-JaiLene with loveteam Jairus Aquino (na hindi raw naging boyfie ni Shar dahil NBSB siya).

For the first time ay magka-loveteam ang NashLene sa teenage barkada movie na Class of 2018 mula sa T-Rex Entertainment.

Excited ang NashLene dahil pinaghalo-halo itong romcom, horror, suspense, action at comedy. Posible ring dito maganap ang first onscreen kiss nila.

Ka-join din sa movie ang loveteam nina CJ Navato at Kristel Fulgar, na kilala sa kanilang mga trending cover duets sa YouTube.