Abante Tonite Interactive

Angeline nakaranas ng himala ng Mahal na Nazareno

By
3,085

TULOY-TULOY pa rin ang pamamanata ni Angeline Quinto sa Mahal na Poong Nazareno, kaya sumali pa rin siya sa Traslacion kahapon. Apat na taon na niya itong ginagawa at sabi niya, hangga’t kaya niya ay sasali pa rin siya.

“Nasimulan ko na kasi. Siguro ito lang ‘yung way ko na pasasalamat sa Mahal na Poon, kasi lagi ko nga pong sinasabi na ang dami-dami ibinigay sa akin na kahit hindi ko hiningi dumating sa akin, sa pamilya ko, sa mga taong mahal ko.

“So, siguro ito talaga ang paraan ko na magpasalamat sa Kanya. Kumbaga kahit marami ‘yung taong nagsasabi na delikado…kasi kung ‘yung faith mo sa Kanya eh buong-buo, mawawala yung takot na ‘yun. Kumbaga, hahayaan mo na siya na magbigay ng daan para makasampa ka dun.”

Marami ngang fans niya ang nag-aalala na baka kung ano ang mangyari, pero wala raw nararamdamang takot ang Kapamilya female singer.

“Four years ko na po ginagawa ang pagsampa, at himala po na never po ako nagkasugat kahit maliit,” sabi niya.

Natuwa nga si Angeline dahil kamakailan lang ay may nagbigay sa kanya ng imahe ng Black Nazarene. Matagal na raw niyang gustong magpagawa pero ayaw raw niyang madaliin.

Gusto raw niya ay ang Mahal na Poon ang gagawa ng paraang makakuha siya ng may gagawa nito sa kanya.

At isang araw nga, may kaibigan siyang tumawag sa kanya na meron daw isang fan na gusto siyang bigyan ng imahe ng Mahal na Poong Nazareno. Kamakalawa lang daw niya ito natanggap.

“Nagulat nga ako bakit bigla na lang niya ako binigyan ng imahe ng Mahal na Poon, kasi sabi nga ng friend ko gustung-gusto ka niya, at nalaman nga na deboto ako ng Mahal na Nazareno. Tapos nagulat nga po ako nang binigay na sa akin kahapon,” masayang kuwento ni Angeline.

“Parang naging sign lalo ito sa akin na siguro mas maging matibay ‘yung faith ko sa Kanya na kahit anong mangyari, ‘di ba?”

“Siyempre, ang buhay naman ng tao hindi naman po lahat nasa itaas ka lang. Normal lang din na dumarating sa point na minsan akala ko wala na akong kakampi, wala na akong magagawa sa bagay na akala ko hindi ko na kayang gawin.”

“Sa totoo lang, kapag dumarating sa point na ganun ang buhay ko talagang pumupunta ako ng Quiapo church, dun lang ako mag-isa madaling-araw.

“Pag wala na ako mapuntahan, ayoko sa bahay, ayokong lumabas kasama ang mga kaibigan ko, doon lang ako sa Quiapo church. Kaya halos lahat na guwardiya doon kilala ko na,” dagdag na kuwento ni Angeline.