Abante Tonite Interactive

Angkan na tulak napadlak

172

Sinalakay ng San Juan Police ang kuta ng apat na magkakamag-anak na matagal nang nagbebenta ng iligal na droga at ginagawa pang drug den ang kanilang bahay sa mga parokyano kamakalawa sa Brgy. San Perfecto, San Juan City.

Kinilala ni PS/Supt. Dindo Reyes, hepe ng San Juan Police, ang mga suspek na sina Juanjo Carl Salvador Chua, 27, kapatid na si Robert Joseph, 24, pinsan na si Jason Chua, 28, at ang tiyuhing si Robert Chua, 55, taga-48 San Marcos St., Brgy. San Perfecto.

Pinangunahan ni PS/Insp. Edwin Malabanan, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Chief, kasama sina SPO1 Gerald Crisostomo at PO2 Alexander Dedumo ang pagsalakay sa bahay ng mga suspek bandang alas-8:30 Huwebes nang gabi matapos ang isinagawang isang linggong surveillance sa iligal na pagtutulak ng pamilya kung saan pinauupahan pa ang isa nilang kuwarto para sa mga parokyano na magsa-shabu.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang 32 sachet na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P16,500 at mga drug paraphernalia.

Ayon kay Reyes, taong 2013 pa ginagawang ‘family business’ ng pamilya Chua ang pagtutulak ng droga.