Abante Tonite Interactive

Angkas driver, kasama naharang sa P340K shabu

0 258

Timbog sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang Angkas driver at kasama niya makaraang mahulihan ng umaabot sa P340,000 halaga ng shabu sa Quezon City noong Linggo nang hapon.

Kinilala ni Atty. George Paul Alcovindas, officer-in-charge ng PDEA-National Capital Region ang Angkas driver na si Ali Datukan Salim, 28, at ang kanyang kasama na si Alsamer Mohammad Yusop, 19, kapwa nakatira sa Maynila.

Ayon kay Atty. Alcovindas, naaresto ang mga suspek sa Kanlaon St., Brgy. Sta. Teresita, Quezon City bandang alas-4:10 nang hapon matapos makipagtransaksyon sa isang undercover PDEA agent.

Pero isinailalim umano nila ang mga suspek sa halos tatlong linggong pagsubaybay bago ikinasa ang buy-bust operation.

Nasamsam sa mga suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu na tumitimbang ng 50 gramo at may street value na P340,000.

Nakakulong na sila ngayon sa PDEA detention facility at sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at direct assault matapos pumalag nang arestuhin ng mga awtoridad. (Dolly Cabreza)