Abante Tonite Interactive

Angkas, JoyRide, Move It binalaan sa kolorum rider

197

Tatlong motorcycle taxi lang ang nasa master list ng Technical Working Group (TWG) na pinahihintulutang mag-operate o bumiyahe sa ngayon.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) board member at head ng TWG na si retired Gen. Antonio Gardiola, kabilang dito ang Angkas, JoyRide at Move It.

Aniya, ang mga nabanggit na motorcycle taxi lang ang kasama sa listahan ng mga puwedeng mag-operate at magbigay ng serbisyo sa mga pasahero.

Ipinahayag ito ni Gardiola matapos masakote ang 7 kolorum na motorcycle taxi kamakalawa.

Babala pa ni Gardiola, dapat lahat ng mga motorcycle taxi na bibiyahe ay kasama sa master list ng TWG na ibinigay ng mga nabanggit na kompanya.

Kung ang mga bumibiyaheng motorcycle taxi ay wala sa listahan ng TWG ito ay ituturing na kolorum at kanilang huhulihin at pagmumultahin. (Riz Dominguez)