Abante Tonite Interactive

Angkas, labag at iligal

107

Pumalag ang ‘Angkas motorcycle riding service’ sa desisyon ng Korte Suprema na pumipigil sa ‘Angkas’ na magsakay ng mga pasahero dahil sa usapin ng kaligtasan.

Katwiran ng ‘Angkas’ pinagkaitan ng desisyon ng Korte Suprema ang daang-libong mga pasahero na tumatangkilik sa kanilang serbisyo. Masama ang loob ng Angkas sa Kataas-taa­sang Hukuman dahil sa ‘timing’ ng pagpapalabas ng desisyon.

Ginamit pa ang publiko para kumbinsihin ang Supreme Court na bawiin ang desisyon. Kinonsensiya ang Mataas na Hukuman, magugutom daw ang pamilya ng mahigit sa 20-libong miyembro ng Angkas, magpapasko pa naman.

Abante Hiring – IT dep

***

Nagdesiyon ang Korte Suprema para sa ‘public safety.’ Kinatigan ang posisyon ng Department of Transportation, partikular ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na iligal ang operasyon ng Angkas batay sa ‘Land Transportation and Traffic Code o ang Republic Act 4136’.

Totoo na nagkakaroon ng ‘choice’ ang mga pasahero dahil sa Angkas lalo na sa panahon ng ‘rush hour’ pero may nilalabag dahil sa umiiral na RA 4136. ‘Kolorum’ ang mga pribadong motorsiklo na naniningil sa sakay o angkas na pasahero.

Isa lang ang malinaw sa operasyon ng Angkas, kumita ng pera kahit labag sa batas.

***

Ipinangalandakan ng ‘Angkas’ na ‘99.997 percent compliant’ ang kanilang mga mi­yembro pagdating sa tinatawag na ‘responsible traffic safety.’ Pero batayan ba ito para hindi sila masaklaw sa umiiral na batas? May ‘insurance’ ba ang lahat ng miyembro?

Kapag sumakay sa motorsiklo napakataas ng tsansa na maaksidente. At kapag may aksidente na ‘involve’ ay motorsiklo, kalimitan ang mga ‘rider’ at angkas ang nasa peligro.

Dahil sa tindi ng trapik sa Metro Manila at naging madali ang pagbili ng mga motorsiklo, ang mga ‘motorider’ ngayon ay naglipana. Kung lumusot kaliwa’t kanan, hindi alintana kung may masagi, walang disiplina ang karamihan.

***
Ang usapin ng ‘Angkas Riding Service’ ay resulta ng malalang sitwasyon ng ‘mass transportation’ sa bansa. Napabayaan ng matagal ang ‘public transport’ kung kaya’t ang pribadong sektor ay gumagawa ng paraan para maresolba kung hindi man malutas ang problema.

Subali’t kung ang solusyon ay iligal at labag sa batas, sa halip na makatulong, baka magpalala pa sa problema,.