Abante Tonite Interactive

Angkas na bebot nahati sa trak

597

Nahati ang katawan ng isang babae habang sugatan ang kasama niyang rider­ matapos tumilapon nang mabunggo ng kotse ang sinasakyan nilang motorsiklo at magulungan naman ng truck kahapon nang umaga sa may boundary ng Quezon Boulevard Quiapo at Sta. Cruz, Maynila.

Namatay noon din ang biktimang si Ederlyn Buclares habang sugatan ang rider na si Julius Tevar, kapwa nasa hustong gulang, at taga-2000 A Katamanan St., Tondo, Maynila.

Nasa kustodiya naman ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ang suspek na si Reynan Fajardo, truck driver, taga-Nueva Ecija.

Sa report ng Manila Police District-Police Station 3, Sta. Cruz Police Station (PS-3), alas-5:41 ng umaga nang maganap ang aksidente sa Quezon Boulevard sa Quiapo.

Magkaangkas umano ang mga biktima sa Honda Click 125 motorcycle nang pagsapit sa lugar ay nasagi ito ng isang kotseng Sedan na hindi naplakahan at minamaneho ng ‘di nakilalang driver.

Sumemplang umano ang motorsiklo at bumagsak sa daraanan ng 14-wheeler truck na may plate number na WLQ 197, at minamaneho ni Fajardo na nagresulta upang masagasaan ang mga biktima.

Agad isinugod si Buclares ng Binondo Rescue Team sa pagamutan habang inaalam ng mga awtoridad ang plaka ng kotse at pagkakilanlan ng tumakas na driver. (Juliet de Loza-Cudia)