Abante Tonite Interactive

Angkas nalaglag, driver tumakas

285

Sabog ang ulo ng la­laki na nakaangkas sa motorsiklo ng kaibigan nang mahulog matapos sumalpok ang kanilang sasakyan sa sinusundang Toyota Hi-Ace at masagasaan ang una nang paparating na pampasaherong jeep sa Quezon City nitong Linggo nang hapon.

Kinilala ni PLt. Ronquillo Maano, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) District Traffic Enforcement Unit-Traffic Sector 6, ang biktimang si Virgilio Balsomo Jr., machine operator, 40-anyos, taga-B3 L11 Richland, Brgy. Talipapa, QC.

Tinutugis naman ngayon ang kasama nitong driver ng Suzuki Motorcycle (NC-87407) na si Jorill Gobres alyas ‘Buddy’ na nakarehistro sa Mary Grace Manaligod, sa 61 Blas Roque Bagbag Sauyo Novaliches Proper.

Abante Hiring – IT dep

Samantala, nakapiit naman sa QCPD District Traffic Enforcement Unit-Traffic Sector 6, ang mga suspek na sina Mark Jason Valdez, 22, binata, driver ng Pampasaherong dyip (THJ-841), taga-Valezuela City at Danilo Tanael, 47, ng Sauyo Road, QC, driver ng Toyota Hi-Ace Van (WSF-3471).

Sa imbestigasyon, ang aksidente ay naganap dakong alas-5:20 nang hapon sa Mindanao Ave., sa may kanto ng Sauyo Road.

Binabaybay umano ni Gobres kasama ang angkas na biktima ang Mindanao Ave., galing Tandang Sora patungong Quirino Highway nang banggain nito ang Toyota Hi-Ace.

Dahil dito ay nahulog ang biktimang angkas sa motorsiklo. Eksakto namang paparating ang pampasaherong jeep ni Valdez at nasagasaan si Balsomo sa ulo na daglian nitong ikinamatay.

Sa halip na tulungan ang kaibigang angkas, pinaharurot ni Gobres ang motorsiklo at tumakas.(Dolly B. Cabreza