Abante Tonite Interactive

Angkas naungusan Move It, JoyRide sa quota

312

Makaraang hindi maka-quota ang Move It at JoyRide, dinagdagan Department of Transportation-Technical Working Group (DOTr-TWG) ang rider cap ng motorcycle hailing firm na Angkas ng 23,164 na aarangkada sa Metro Manila.

“Motorcycle taxi firm Angkas has gained the lion’s share in motorcycle taxi operations in Metro Manila,” base sa inanunsiyo ng DOTr nitong Miyerkoles.

Pumayag ang Inter-Agency Technical Working Group (TWG) na siyang humahawak at nangangasiwa sa pilot run ng mga motorcycle hailing firm na magdag­dag ng 23,164 rider ang Angkas hanggang Marso 23.

Ito ay dahil hindi umano umabot sa quota ang Move It na nakapagrehistro lamang ng 6,836 rider sa tinakdang deadline noong Pebrero 12, na mababa sa 15,000 cap na hinihingi sa bawat kompanya. Nakapagparehistro naman umano ang JoyRide ng eksaktong 15,000 subalit napag-iwanan pa rin ito sa sobrang slot ng Angkas.

Ayon sa TWG, ang tatlong kompanya ay sumang-ayon naman sa gagawing ‘redistribution’ ng rider slots kung saan pupunan ng mga nakahandang Angkas rider ang kulang na bilang nito sa isinagawang pulong kasama si Transportation Secretary Arthur Tugade.

Sa kasalukuyan, tanging ang mga nakarehistrong rider sa ilalim ng Angkas, JoyRide, at Move It ang awtorisadong magsakay ng mga pasahero na magbu-book ride sa pamamagitan ng mobile app. (Dolly Cabreza)