Abante Tonite Interactive

Anim na saksak, bayad ng adik sa ₱500 utang sa karelasyon

244

EDISON REYES

Bukod kay Ex-O Martin, kinuhanan din ng sinumpaang salaysay ni P/CMSgt. Alexander Manalo ang 39-anyos na si Crisanta Ongoda na naninirahan lang sa katabing bahay ni Jan-Jan sa 149 Concepcion Street, at isa sa nakabatid sa ginawang paghahanap ng mga kaanak at asawa sa nawawalang si Papan.

Pinatotohanan din ni Crisanta sa pulisya ang pagkakaroon ng relasyon nina Jan-Jan at Papan at sina­bing madalas niyang nakikitang nagtutungo ang biktima sa bahay ng lalaki at hindi rin naitatago ng da­lawa sa kanya ang pagyayakapan at paghahalikan.

Huli aniya niyang nakitang nagtungo si Papan sa bahay ni Jan-Jan noong Hulyo 20, 2019 dakong alas-10:00 nang umaga hanggang dakong alas-4:00 nang hapon ay na­rinig niya ang pag-aaway ng dalawa.

Hindi aniya niya pinansin ang narinig niyang pag-aaway ng dala­wa dahil madalas namang nagkakaroon ng mainitang pagtatalo ang mga ito at minsan ay ipinakikita pa sa kanya ni Jan-Jan ang kanyang mga kalmot sa katawan.

Sabi pa ni Crisanta sa pulisya na bago ang pagkawala ni Papan, nakita niya ang biktima na nagtungo sa bahay ni Jan-Jan noong Hulyo 15, araw ng Lunes, at narinig niya ang matinding pag-aaway ng dalawa na ang pinag-ugatan ay dahil sa utang.

Nasanay na aniya siya sa naririnig na madalas na pag-aaway nina Jan-Jan at Papan, subalit kalaunan ay muli namang nagkakasundo.

Agosto 3, 2019 o kinabukasan makaraang madiskubre ang bangkay ni Papan sa fishpond, ipinasya ng kanyang pamilya na i-cremate ang kanyang bangkay bago muling pinaglamayan ng tatlong gabi at apat na araw sa Funeraria Floresco.