Abante Tonite Interactive

Anim na saksak, bayad ng adik sa 500 utang sa karelasyon

219

PART 10

Nang bumalik ang nagpakilalang kapatid ni Papan sa Barangay Pasolo noong Hulyo 27, araw ng Sabado, kasama na niya ang asawa ng ginang na si Charlie at ini-report na ang pagkawala ng ginang na isang linggo ng hindi umuuwi mula nang umalis sa kanilang bahay ng Hulyo 20 ng hapon.

Dahil dito’y sinamahan na ni Carlito si Charlie sa headquarters ng Valenzuela police upang humingi ng tulong at dito’y nakausap nila ang imbestigador na si EMSgt. Armand Delima na kaagad humi­ngi ng ayuda sa Police Communty Precinct (PCP) 4 upang samahan sila sa bahay ni Jan-Jan.

Gayunman, nang magtungo si Charlie, kasama ang mga tauhan ng PCP-4 sa bahay ni Jan-Jan sa 149 A. Concepcion St. Barangay Pasolo, tanging ang kapatid nito na si Perlita Perdigon and kanilang nadatnan at sinabing wala sa kanilang bahay ang kanyang kapatid dahil ipinasok nila sa Central Luzon Rehabilitaion Center sa Magalang, Pampanga.

Si Jan-Jan, na ang tunay na pangalan ay Godofredo Perdigon, Jr., 47-taong gulang, ay napagalamang nahuhumaling noon pa man sa ipinagbabawal na gamot at noon pa hinihimok ng kanyang mga kapatid na tigilan na ang paggamit ng droga at pumasok sa rehabilitasyon subalit tumatanggi ang lalaki.

Napagalaman ng pulisya na hiwalay si Jan-Jan sa kanyang asawa at nag-iisa lamang naninirahan sa kanyang bahay bagama’t nasa kal apit lamang din naninirahan ang kanyang mga kaanak at anak.

Nang iulat ng mga tauhan ng PCP-4 ang resulta ng kanilang pagpunta sa bahay ni Jan-Jan, kasama ang asawa ni Papan na si Charlie, kina P/Maj. Amor Callejas Cerillo, ang hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) at P/Maj. Jose Romero Hizon ng Station Investigation Unit (SIU), kaagad nilang ipinabatid kay P/ Col. Carlito Gaces ang hepe ng pulisya sa naturang lungsod ang ilang mga detalye kaugnay sa pagkawala ng ginang.

Dito na iniutos ni Col. Gaces ang pagtutok sa naturang kaso lalu na’t may matibay na hinala ang asawa at kaanak ng nawawalang ginang na may kinalaman si Jan-jan sa pagkawala ni Papan.

Sa ginawang pana­yam ng TUGIS kay Maj. Cerillo, sinabi niya na bago pa man matuklasan ang bangkay ni Papan sa fishpond na puno ng mga water lily, may mga pangyayaring hindi maipaliwanag na naganap sa naturang lugar tulad ng umano’y mga naririnig na tinig ng isang babae na duamadaing ng labis na paghihirap.

Sinabi naman ng asawa ni Papan na si Charlie na may paro-parong nakikitang laging umaaligid sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay ng kanyang asawa na posibleng nakatulong upang makita ang kanyang labi.

Ayon kay Maj. Cerillo, bukod sa mga impormasyon na posibleng sa fishpond sa likurang bahagi ng bahay ni Jan-Jan itinapon ang bangkay ng biktima, nakarating din sa kaalaman ni Col. Gaces ang mga kababalaghang nangyayari sa lugar kaya’t nakipag-ugnayan ang opisyal kay Barangay Pasolo Chairman Luciano Marcelino upang hilingin sa Waste Management Office ng Valenzuela city na linisin at galugarin ang fish pond sa pagbabakasakaling makita ang labi ng nawawalang si Papan.

Agosto 2, 2019 dakong alas-10:45 ng umaga nang magtu­ngo ang mga kaminero mula sa Solid Waste Management Office sa dulo ng Villa Rosario 1 sa Barangay Pasolo at sa tulong ng mga opis­yal ng barangay, nilinis nila ang napakaraming water lilies at iba pang basura na lumulukob sa buong fish pond.

Hindi nagtagal ay natagpuan nila ang bangkay ng isang babae na nagsisimula ng maagnas na nakabalot ng isang uri ng kumot at halos matabunan na ng makapal na water lilies.