Abante Tonite Interactive

Anne kalaban ang sarili sa best actress

367

ROMMEL PLACENTE: Bongga si Anne Curtis, huh! Sa darating kasi na 42nd Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino, na gaganapin sa June 18, 2019 sa UPFI Film Center, ay dalawang nominasyon ang nakuha niya rito para sa kategor­yang Pinakamahusay na Pangunahing Aktres. Nominado siya para sa dalawang pelikulang ginawa niya mula sa Viva Films, ang “BuyBust” at “Sid and Aya: Not A Love Story.” Ito ang first time na napansin ng Gawad Urian ang akting niya. Dahil dito, overwhelmed si Anne

Napanood namin pareho ang “BuyBust” at “Sid and Aya.” In fairness, parehong mahusay ang akting na ipinamalas dito ni Anne kaya deserving na ma-nominate siya para sa dalawang pelikula. Pero mas gusto namin ang akting na ipinakita niya sa “BuyBust.” Mas malalim, at kahit first time niyang sumabak sa isang action film ay para siyang matagal nang nag-a-action. Maliksi siya rito na para talaga siyang isang babaeng action star. Well, dahil sa dalawang nominasyon na nakuha ni Anne sa Gawad Urian, malaki kaya ang chance na manalo siya laban sa mga kapwa niya nominado na sina Perla Bautista (Kung Paano Hihintayin ang Dapithapon), Celeste Legaspi (Mamang), Ai-Ai de las Alas (School Service), Pokwang (Oda Sa Wala), Glaiza de Castro (Liway), Bela Padilla (Meet Me In St. Gallen), Maribeth Fanglayan (Tanabata’s Wifee), Iyah Mina (Mama And a Mother Too), at Nadine Lustre (Never Not Love You)?

MILDRED BACUD: I will not disagree with you ka-Cua­tros na Rommel. Mas mahusay nga rin sa tingin ko si Anne Curtis sa “BuyBust” movie. Mas malalim ito at kakaibang Anne and napanood natin. Pero dalawa man ang nominasyon, hindi pa rin garantiya na siya na ang mananalo. Nang makita ko kasi ang lineup ng nominees at ang iba ay napanood ko naman, mahuhusay rin. Tulad na lamang ni Glaiza de Castro sa pelikulang “Liway.” Grabe ang emosyon niya du’n at napaiyak niya ang manonood. Sa pelikulang ito ko pinupuri nang husto ang aktres. Mahusay rin si Bela Padilla sa “Meet Me In St. Gallen” na naging blockbuster movie din. Ginulat naman ng baguhang artista na si Iyah Minah ang manonood sa pelikulang “Mama And A Mother Too.” Nandiyan din ang deglamo­rize role ni Ai Ai delas Alas sa “School Service” bilang pulubi. Nasa panlasa na lang ng mga jurors kung sino ang feel nilang manalo. Kanya-kanya naman. Pero sino man sa nabanggit ko, para sa akin ay deserve namang manalo. Hindi rin naman maitatanggi na sa pagkakaroon ng dalawang nominasyon ay advantage din naman.

RODEL FERNANDO: Kahit double nomination pa siya ay hindi naman makakatulong sa pagbagsak ng Pinoy Films pero siyempre maganda ‘yan sa kanya dahil bihira lang ang ma-nominate na kalaban mo pa ang iyong sarili. Tanging si Nora Aunor lang ang madalas na nakakagawa ng ganyan.

Anyway, humusay na nga sa pag-arte si Anne. Sana manalo siya dahil marami ang mga magagaling din na nominado.

Kung papalarin si Anne, maganda ito sa kanyang career na aminin man o hindi ay nabawasan na ang kinang mula nang mag-asawa siya. Mabuti na lang at napapanood siya araw-araw sa isang noontime show at malaking tulong ito sa kanya.

RONA AVECILLA: Napapanatili pa rin ni Anne ang kasikatan niya. Lalo na at siya pa rin ang may hawak ng record bilang isa sa most followed celebrity in Instagram at Twitter.

Patunay lang din ‘yan sa pagiging ma-impluwensiya at magaling niyang aktres. Mapalad si Anne Curtis sa double nomination na natanggap niya pero walang kasiguraduhan na siya ang magwawagi.

Malaki rin ang tiyansa ni Nadine Lustre na magwagi sa pelikula niyang “Never Not Love You.” Naka-dalawang best actress na si Nadine. Wagi siya sa FAMAS at sa Young Critics Circle.