Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ano ang biopsy?

0 283

Nung isang buwan ay may naisulat tayo tungkol sa sugat na nagagawa para malaman ang tunay na kundisyon at karamdaman ng isang taong nagkaroon ng bukol. Ito ay ang biopsy. Ngunit ngayon naman ang tanong na naibigay sa atin ay kung ano ba talaga ang ginagawa sa laboratoryo at matagal bago ilabas ang resulta at kung minsan ay kinakailangan pang gumawa ng ibang eksaminasyon. Ano ang nangyayari sa laboratoryo? Bakit hindi agadagaran nakukuha ang resulta para mabawasan ang pangamba sa kakaantay ng nito.

Nabanggit natin noon na ang biopsy ay ang paraan ng pagsuri ng mga parte ng katawan na tinanggal para malaman ang karamdaman nito. Isa rin itong paraan upang malaman kung kanser nga ba ang isang tumor o bukol o hindi. Maaaring maging excision o pagtanggal ng buong bukol. Pwede din incisional o kukuha lang ng kaunting piraso ng bukol. Ang huli ay FNAB o fine needle aspiration kung saan sa pamamagitan ng makapal na hiringgilya ay kukuha ng mga cells at ito ang susurin. Ang hindi nalalaman ng karamihan ay kung ano ang nangyayari pagkatanggal ng mga specimen na ito maliban sa ipadadala lamang sa laboratoryo para sa histopathologic studies.

Bago pa dalhin sa laboratoryo ang specimen, pagkatanggal nito ay ilulubog na sa isang fixing solution para sa fixative stage. Kadalasan ang ginagamit dito ay formaldehyde solution. Ito ay para hindi mabulok ang specimen. Kapag handa na, ang susunod ay dehydration. Pinatutuyo at tinatanggal ang anumang tubig na laman. Nagagawa ito sa pamamagitan ng paglubog sa alcohol. Iba’t ibang concentration at ilang oras din aabutin. Ang katapusan ng proseso ay makagawa ng paraffin block o maging isang bloke ng wax, ngunit para makasiguro nito, kailangan matanggal pati ang mga taba na laman ng specimen, kaya’t may dinadaanan pang clearing, kung saan sa clearing solution naman ang paglubog. Kung buto o may buto ang specimen, nadadagdagan pa ng isang step, ang decalcification. Ito ay para mapalambot ang buto na maaaring tumagal ng halos dalawang linggo.

Hindi natatapos sa paraffin block ang pagsusuri. Hihiwain ng napakanipis ang bloke para mailagay sa slide para mabasa ng pathologist. Nagagawa ang paghiwa sa pamamagitan ng isang makina na tinatawag na microtome. Sobrang nipis ang hiwa nito sa sukat na 3 micra lamang. Kapag nailagay na sa slide, saka pa lang ilulubog sa sari saring mga kemikal para magkaroon ng kulay ang specimen. Pagnatapos lahat ng ito ay saka pa lang mababasa ng pathologist sa pamamagitan ng pagsilip ng slide sa ilalim ng microscope. Makikita ang iba’t ibang hugis, kulay at itsura ng arkitektura ng specimen upang makapagbigay ng final diagnosis.

Related Posts

Mayroong pagkakataon na mahirapan malaman at makilala ang sakit na dahil halos pareho ng kanilang itsura, kaya maaaring idaan pa sa iba’t ibang klaseng proseso para mas luminaw, magibang kulay ang mga parehong anyo ng mga ibang karamdaman. Halimbawa nito ay ang immunohistochemistry.

Hindi namamadali ang prosesong ito kaya kung kinakailangan agad agad ang resulta, mayroong tinatawag na frozen section histopathology. Malalaman kung kanser o hindi ang specimen, sa ilang oras, ngunit ipapasailalim pa din sa tamang proseso para makilala ng tama kung kanser nga ang ikalalabasan.

Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy! Stay safe! Be vaccinated!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.