Abante Tonite Interactive

Ano ang CTS o Carpal Tunnel Syndrome

229

Noong isang linggo, mayroon tayong Facebook follower na nagtanong kung ano daw ba ang Carpal Tunnel Syndrome? Ito ang binansag na diagnosis niya dahil nagmamanhid at nanghihina ang kanyang kamay. Wala naman daw aksidente o masamang anomalya nangyari sa kanya. Bakit nagkaganoon siya at may lunas pa ba sa kundisyon na ito.

Ang Carpal Tunnel Syndrome ay kundisyon sa may pulso o wrist. Dito mayroong dumadaan na isang napakalaking nerve na nanggagaling pa sa may cervical spine sa leeg, ang tinatawag na median nerve. Ito ang nagbibigay ng lakas at pakiramdam sa mahigit sa kalahati ng palad natin, mula sa hinlalaki, hanggang sa kalahati ng pang apat na daliri kaya apektado ang pagkilos at paggalaw ng kamay. Ang tawag din dito ay “labo­rer’s nerve”. Ang nerve ay may dalawang layunin, ang pakiramdam o sensory function at ang paggalaw o motor function. Habang maayos at maluwag ang dinadaluyan nito ay wala namang magiging problema. Ngunit kapag nagkaroon ng pagkakipot ay maaaring maipit o magkaroon ng impingement kaya maaapektuhan lahat ng sinusuplayan nito, katulad sa carpal tunnel. Hindi kinakailangan maaksidente para magkaproblema ang litid na nakapangibabaw dito. Maaaring mamaga dahil sa paulit-ulit na kilos o galaw o repetitive motion. Dahil na din ito sa pagtrabaho ng sobra-sobra. Kapag namaga ay maiipit ang median nerve na siyang maaa­ring magpamanhid mula sa pangalawa hanggang sa pang apat na daliri, manghina ang hinlalaki at ang lakas ng kapit ng buong kamay, at sa katagalan, pati ang umbok ng palad o thenar eminence ay puwedeng manliit at mawala.

Pahinga ang unang-unang kailangang gawin para mabawasan ang pamamaga nito at bumabalik naman sa normal ang kundisyon ng kamay. Maaaring ibabad sa isang planggana ng maligamgam na tubig ang kamay mula sa bisig ng mga dalawangpung minuto at big­yan kayo ng gamot at mga supplements sa ugat para makatulong sa pag hilom nito at paglakas ng kamay. Kung minsan ay maaaring ipa-physical therapy na makakatulong din.

Ngunit kung ito ay pababayaan, ang pamamaga ay maaaring ma­ging pangangapal. Pareho ang sintomas ngunit maski ano ang gawin ay hindi gumiginhawa ang kundisyon. Dito, anumang panggamot ay walang epekto. May exam para dito, ang EMG-NCV o electromyogram – nerve conduction velocity test na ginagawa ng mga rehab doctors o physiatrists. Nalalaman kung ang ipit ay nagmumula pa sa leeg o spinal cord o sa dulo nga sa carpal tunnel. Malalaman din kung ito ay bago at pamamaga lamang o matagal na at chronic.­ At kung talagang nangangapal ay kinakailangan ng operahan ang kamay.

Tayong mga Pinoy ay sadyang masisipag at importante sa atin ang ating mga kamay, kung may nararamdamang kakaiba ay magpatingin agad at baka lumala na pala ang kundisyon natin.

Hanggang sa susunod na Huwebes.

***

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic ­surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler,­ fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.