Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ano ang dahilan ng pagkahimatay?

0 139

Nakita mo ang napakataas na bill sa kuryente? Posibleng mahimatay ka. Nakita mong may kasamang iba si Mister? Baka mahimatay ka rin sa galit. Pero alam mo bang pati ang sobrang sexual arousal ay maaaring makahimatay?

Hindi naman lahat ng nahihimatay ay bunga ng sobrang pagkabigla, pagkagalit, pagkalungkot, pagkatakot, o sa sexual arousal, sobrang saya. Mayroong kahit wala naming trigger na matinding emosyonal na sitwasyon ay nahihimatay. Sila ang may tinatawag na syncope o pansamantalang pagkawala ng ulirat dahil sa problema sa puso.

Ayon kay Dr. Luigi Pierre Segundo, cardiac electro physiologist, nangyayari ang syncope sa mga nababarahan ang daloy ng dugo mula sa puso patungo sa utak. Kapag hindi nakakapagdala ang puso ng sapat na oxygen patungo sa utak, o kung masyadong mababa ang blood pressure, maaaring mahimatay ang pasyente.

Maaari ring ang pagmulan nito ay sobrang init at pagkapagod lalo na kung matindi ang workout o nasa ilalim ng init ng araw at doon nagta-trabaho. Maaari ring ang kawalan ng tubig sa katawan dahil sa sobrang pagpapawis o pagtatae. Ang iba naman ay ang sobrang tagal ng pagtayo ang dahilan bunga ng pagkakaipon ng dugo sa binti.

Ang pagbabago ng presyon ng dugo, pagbilis o pagbagal ng tibok ng puso, kapag mayroong problema sa metabolismo, sa baga at maging ang mga may neurologic o psychiatric problem ay maaari ring mahimatay. Pero ang isa sa pangunahing dapat ipa-checkup ay ang puso.

Ayon kay Dr. Segundo, kailangang sumailalim sa electrocardiogram test ang pasyente upang malaman kung abnormal ang tibok ng kanyang puso. Magsasagawa rin ng stress test. Kung normal ang resulta ng test sa puso, isasailalim naman ang pasyente sa tinatawag na tilt test kung saan malalaman kung ano ang presyon ng dugo at tibok ng puso nito habang nakahiga. Iaangat ang kinahihigaan nito upang malaman kung mahihimatay kapag binago ang posisyon ng higaan. Kung mahihimatay habang isinasagawa ang tilt test, ang ibig sabihin ay may problema ang kanyang vagus nerve.

Ang vasovagal syncope ay nangangahulugang may problema ang parte ng nervous system na kumokontrol sa tibok ng puso at blood pressure. Madalas na nagkakaroon nito ang matagal na nakatayo o nakaupong diretso, biglang tumatayo mula sa pagkakahiga, nai-stress, kulang sa tulog, nagugutom, may nararamdamang sobrang sakit sa katawan, bumibilis ang adrenaline lalo na kung nag-e-ehersisyo o nasa sports activity, masyadong na-a-arouse kapag nakikipagniig o kinikiliti, sobrang init ng temperature sa paligid, paggamit ng ipinagbabawal na gamot o nakakalasing na inumin, bumababa ang blood sugar o sobrang natatakot.

Kung hindi bunga ng sakit sa puso ang dahilan ng pagkahimatay, kailangan ng taong may ganitong kondisyon ang mas mataas na asin sa kanyang diet, uminom lagi ng tubig para hindi matuyuan at maging tuloy tuloy ang daloy ng dugo.

Ingatan din ang pag-inom ng mga gamot, dapat ay batay lang sa reseta ng doctor. Dahil ang ilang gamot tulad ng sublingual nitroglycerin na panggamot sa may pananakit ng dibdib o angina ay maaari ring makahimatay. May mga pampababa rin ng presyon ng dugo na maaaring maging dahilan ng syncope, kasama na rito ang mga gamut na nitrates, diuretics, arterial vasodilators, tranquilizers, psychotropic drugs at tricyclic antidepressants.

May mga nasa lahi rin ang pagkahimatay. Kapag nagiging madalas na ito at may relasyon sa abnormal na pagtibok ng puso, maaaring mauwi ito sa atake sa puso.

May mga warning signs naman ang syncope at ito ang dapat na obserbahan. Bago himatayin, nakakaranas muna ng panghihina, malamig na pawis, nasusuka, nahihilo, laging dumidighay, madalas na naghihikab, lumalabo ang paningin at namumutla ang pasyente lalo na kung ito ay nakatayo. Ilang minuto makalipas na himatayin, bumabalik din naman ang ulirat nito. Pero mas mabuti pa ring dalhin sa doctor.

Kapag hinimatay ang pasyente, huwag itong i-si-CPR o cardio-pulmonary resuscitation. Hayaan lang itong mahiga at luwagan ang damit lalo na sa bandang leeg, dibdib at tiyan. Kailangang tumawag agad ng mangaggamot o madala sa ospital upang maipag-bigay alam ang kondisyon ng pasyente at malaman ang susunod na hakbangin.

Leave A Reply

Your email address will not be published.