Abante Tonite Interactive

Ano ang epekto ng pre-election survey?

924

Sigurado ako, marami rin ang nagtatanong nito: Totoo ba talaga ang mga pre-election survey para sa national at local election sa May 13?

Gaano ba ka-reliable ito, lalo na kung ginawa ito kuno ng isang grupo na hindi mo naman alam kung sino ang pasimuno, sino ang gumagalaw, sino ang gumagastos at saan naglulungga?

Pag-usapan po natin ng konti itong politika sa Valenzuela City. May lumabas kasi kamakailan na tapos na ang eleksyon, may nanalo na raw kasi. Bakit, sino at kailan?

Dalawa kasi ang nagbabanggaan dito, si dating Vice Mayor at ngayon ay Congressman Eric Martinez at itong beterano na si dating Congressman Magi Gunigundo.

Ang sabi sa survey daw, panalo na itong si Martinez. Bakit? Nagka-eleksyon na ba kayo diyan sa Valenzuela City para magdeklara na kayo ng winner? Alam na ninyo agad? Ilan ba ang nakausap ninyo? Kay lalakas ng loob na magdeklara eh wala pa namang eleksyon di ba?

Sabagay, hindi naman ako magtataka kung bakit may lumabas na ganung survey daw. Sino ba ang hindi matatakot tumapat kay Cong. Magi? Isang magaling na abogado at tunay na manggagawa ng bayan.

Sa totoo lang, laking pasasalamat ng mga Pilipino sa ginawa niyang batas, ang Republic Act No. 9048 o Clerical Error Law dahil pinagaan niya ang proseso para maresolba ang may mga problema sa kanilang birth certificate. Sa halip na ipa-korte, petisyon lang ang katapat nito sa Philippine Statistics Office (PSA) at ilang araw lang ang hihintayin para maiwasto ang mga maling spelling sa pangalan.

Buong Pilipinas ang nakinabang dito at hindi lang Valenzuela City. Ngayon, tanong ko naman, kung ngayon gagawin ang eleksyon at pabobotohin ang buong Pilipinas, sino kaya ang pupulutin sa kangkungan? Dapat pa bang i-memorize?
Sa totoo lang, yang preelection survey ay hindi naman 100 percent na basehan para manalo sa halalan.

May margin of error din naman ito kaya hindi sakto at sigurado. May mga naniniwala rin naman lalo na kung paulit-ulit kaya nga tinawag itong mentang conditio­ning eh. Iniimpluwensya talaga nito ang isip ng mga botante, sa totoo lang po.

Itong survey daw sa Valenzuela City, may nagtatanong tuloy kung totoo raw ba na may mga kandidatong gumagastos ng milyones para ma­nguna sila sa survey.

Pero sino ba ang magpapatunay nito? May aamin ba?

Kung titingnan po kasi ang galaw ng kampanya ni Cong Magi. Magiliw sa kanya ang mga tao, ramdam ang pananabik sa kanyang pagbabalik.

Sabagay, hindi naman kataka-taka kung ma­ngangarag ang kabilang kampo. Haligi ng Valenzuela City ang kabanggaan nila.

Kung babalikan natin ang kasaysayan nina Martinez at Gunigundo, magugulat siguro kayo.

Kasi dating magkasama sa isang partido ang dalawa. Uhugin pa lang si Martinez ay matibay ng bato sa Valenzuela City si Gunigundo. ‘Di ba nga at kay Cong. Magi lang natuto itong si Martinez sa istilo ng pagsisilbi sa mga taga-Valenzuela City? Magkasama silang lumalaban noon sa korap­syon sa lungsod. Bakit siya nag-ober da bakod? Mas madali po kasing makarating sa gustong paroonan kung naka-taxi kesa maglakad.

Balik tayo dito sa non-commission survey daw, bakit isang partido lang ang nakaalam. Ano ba ang nakaplano nilang gawin. Bakit hindi naka-publish ang resulta? Kasi kung non-commissioned ang survey, paano nila ginawa. Sino-sino ba ang mga respondent? Tsk, pakipaliwanag lang kasi tiyak na marami ang mag-iisp na baka isa lang itong self-serving survey para i-kondisyon ang isip ng mga botante?

Malinaw kasi na violation ito ng Fair Election Act of 2001 RA 9006 Sec 5.2.

Tsk, sino kasi ang may pakana nitong survey daw eh.

Kaya nga hindi na rin ako nagtataka kung bakit sinabi ng isang kandidato na balak niyang maghain ng panukala sa Kongreso na bawal na ‘yang mga preelection survey. Niluluto nga naman ang isip ng mga botante eh.

Hindi man madale lahat sa vote buying, madadale naman ang mga botante sa mind conditioning.