Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ano ang kinalaman ni St. Francis sa mga hayop?

0 109

Dear FURRever FURRiends:

Happy St. Francis Day!

Tuwing ika-4 ng Oktubre, maraming Kristiyano ang ipinagdiriwang ang araw ni Saint Francis. May mga furparents na nagpapa-bless pa ng kanilang mga alagang aso’t pusa at exotic pets.

Pero ano ba talaga ang kinalaman ni St. Francis sa mga furbabies natin? Bakit ang mga estatwa niya ay palaging may mga kasamang hayop tulad ng ibon, tupa, usa, kuneho, aso o di kaya lobo?

Ito yung kwento.

Ipinanganak si St. Francis ng 838 years ago sa Assisi, Italy. Naging prayle siya, founder ng mga Pransiskano at Patron Santo ng mga hayop dahil pinahahalagahan niya ang mga ito.

Ang isa sa pinaka-sikat na istorya tungkol kanya ay nangangaral daw siya sa mga ibon. Tatahimik silang lahat habang nagse-sermon si St. Francis at hindi sila aalis hangga’t ‘di pa tapos ang pari sa kanyang mga pangaral.

May isa pang kwento na napaamo niya ang isang mabagsik na lobo sa nayon ng Gubbio sa Italy at pinakiusapan niya ito na huwag nang pumatay at kumain ng tao doon. Mag mula noon, kapayapaan na ang namagitan sa mga tao at lobo.

Sa bayan naman ng Greccio, sa Italy din, may kwento tungkol sa santo na may nagbigay sa kanya ng isang malaking isda – pero buhay pa ito. Tinanggap ni Francis ang isda ngunit imbis na lutuin ito, ibinalik niya ang isda sa lawa. Nagtampisaw umano ang isda sa tubig, tila nagpapasalamat na pinalaya siya. At hindi ito umalis sa harapan ni St. Francis hanggang sa nagpaalam na ang santo sa isda.

Mayroon ding kwento na gabi-gabi, may malakas na huni ng ibon na gumigising kay St. Francis kapag oras na ng dasal. Wari ay kaibigang lawin pala ito ni Francis na nagsisilbing ‘alarm clock’ niya. Ang nakakapagtaka ay kapag may sakit si Francis, hindi siya iniistorbo ng lawin.

Kahit kuliglig, kinakaibigan ni Kiko. “Sister Cricket, sing for me,” ang sinasabi daw ni St. Francis sa isang kuliglig na naging close sa kanya. At kumakanta daw ito para sa santo.

Pero ang pinaka kamangha-manghang pangyayari ay nung malapit nang mamatay si St. Francis. Kahit gabi na noon, may malaking kawan ng mga morning birds na pumalibot daw sa kanyang bahay at kumanta hanggang sumakabilang buhay na ang santo.

Tutoo ba ang mga istoryang ito? Para sa akin, hindi na mahalaga iyon. Ang importante ay mayroon tayong isang uliran sa pakikitungo sa mga hayop na nilikha ng Diyos.

Nagmamahal,

Joyce

Leave A Reply

Your email address will not be published.