Abante Tonite Interactive

Ano ang mangyayari kapag kulang ang iyong tulog?

925

1. Hihina ang iyong immune system. Ang pagkakaroon ng sapat na tulog ay nakatutulong sa pagre-recharge ng ating katawan mula sa mga activities na ginawa natin sa maghapon kaya ‘wag magtaka kung latang-lata ka na lalo na kung ilang araw (o gabi) ka nang walang ­sapat na tulog.

2. Madali kang makakalimot. Hindi tinutukoy dito ‘yung crush mo na hindi ka pinansin, kundi ‘yung mga minemorya mo para sa next exam. Oo, may kinalaman ang tulog sa pag-memorya ng ating utak sa mga nabasa o mga bagong kaalaman. Kailangan ng sapat na tulog para ma-‘lock in’ sa utak natin ang mga bagong impormasyon na nalaman at matandaan natin ito.

3. Mababawasan ang libido. Sa isang pag-aaral, lumabas na ang mga lalaking natutulog nang limang oras o mas mababa pa sa loob lamang ng isang linggo ay bumaba ang sex hormone level mula 10 hanggang 15 porsyento. Ang mga lalaking naging kalahok sa pag-aaral ay sinasabing nagbago ang kanilang mood at ‘gana’ sa sunod-sunod na gabing hindi sapat ang tulog.

4. Magiging lapitin ka ng aksidente! Hindi na ito bago, ilan na ba ang naaksidente sa pagmamaneho dahil nakatulog ang driver? Hindi rin makakaiwas dito ang mga nagtatrabaho sa night shift tulad ng mga nasa call center, deli­very driver at iba pa. Ang pinakamabisang paraan para makaiwas dito ay magpahinga o matulog kahit ilang minuto bago sumabak sa biyahe pauwi sa bahay, hindi lang para sa mga nagmamaneho kundi maging sa bumibiyahe sa mga pampublikong transportasyon.

5. Zombie-look. Malalim at maitim na mga eye bag, mga tingin na laging nangangalu­mata at parang anumang oras ay pipikit na… ito ka ba? Kung hindi mo maiiwasang magpuyat, ­isipin mo na lang ang mangyayari sa iyong ­hitsura.