Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ano ang mas mananaig sa Vape Bill?

0 203

Minsan talaga ay napaka-ironic ng buhay. Tayo ngayon ay nasa gitna ng pandemya ng COVID-19. Sa loob ng dalawang taon, ang COVID-19 ay kumitil na ng milyon-milyong buhay at patuloy pa ring nagpapahirap sa bilyon-bilyong tao sa mundo. Ang unang tinitira ng virus ay ang baga o lungs sa Ingles. Pero sa halip na mag-isip ang mga mambabatas natin ng mga panukalang makakatulong para maprotektahan tayong lahat at para masagip tayo sa pandemya, nakaisip pa silang isulong ang Vape Bill.

Ang vape o e-cigarettes ang kinalolokohan ngayon ng mga kabataan. Ano nga ba ang vaping? Ito ay ang paglanghap (inhaling) ng usok (vapor) na nagmumula sa electronic cigarette (e-cigarette) o battery-powered smoking device. Sa loob ng device na ito ay may likido na naglalaman ng nicotine, flavoring at mga kemikal. Ang likidong ito ay pinaiinit para lumikha ng vapor na siyang nilalanghap o sinisinghot ng isang tao. Bagama’t nasa initial stages pa lamang ang mga pag-aaral na isinasagawa, naniniwala ang mga eksperto na ang vaping ay may masamang epekto sa baga.

Kaya naman gigil na gigil si Senador Pia Cayetano sa pagkakapasa ng Vape Bill. Isa si Sen. Pia sa mga bumoto ng No sa naturang panukala. Partikular na inirereklamo ng senadora ay ang pagtatanggal sa karapatan ng Food and Drugs Administration (FDA) sa pagbusisi at pag-apruba ng vape products. Sa ilalim ng Vape Bill, ang Department Of Trade and Industry o DTI ay kukunsultahin na lang ang FDA tungkol sa pagkakaroon ng technical standards tungkol sa e-cigarettes.

Kantiyaw naman ni dating Speaker Alan Peter Cayetano, “tayo lang sa buong mundo ang sa DTI, hindi sa FDA, inilagay ang regulation ng e-cigarettes’’.

Ayon pa sa kongresista, maraming dapat unahing usapin tungkol sa buhay, kalusugan at kabuhayan ng mamamayan ngayong pandemya. Nakakapagtaka, aniya, kung bakit inunang isabatas ang Vape Bill na mapanganib sa kalusugan at habit forming kaysa mag-isip ng mga aksyong lulutas sa mga problemang idinudulot sa atin ng COVID-19.

SM food to go Banner Ad

Kaya nga nakakadismaya na minadali itong ipasa sa Kamara at Senado ng ating mga kagalang-galang na mambabatas. At dahil dito, nagkakaisa ang 59 medical associations sa kanilang panawagan kay Duterte na i-veto ang Vape Bill. Nangunguna sa mga ito sina Dr. Benito Atienza, pangulo ng Philippine Medical Association; Dra. Maricar Limpin, pangulo ng Philippine College of Physicians; at Dr. Yul Dorotheo, executive director ng Southeast Asia Tobacco Control Alliance.

Ang pangunahing puntirya ng COVID-19, kaya mas manganganib ang vape users na igupo ng COVID-19 kapag sila’y nahawa sa gitna ng panibagong surge at kung may magsusulputan pang mas mapanganib na variants. Ang sari-saring kemikal na laman ng vape juice ay hindi lamang makakaapekto sa baga kundi pati na rin sa full brain maturity ng mga kabataan kung sila’y malululong sa vapes sa maagang edad, ayon pa sa mga health experts na tutol sa Vape Bill.

Higit ding kinatatakutan ng mga doktor, ang nilalaman ng Vape Bill kung saan ibinaba ang “age of access” sa vapes. Kung dati ay 21-anyos pataas ang papayagan, kapag naisabatas na ito ay puwede nang mag-vape ang 18-anyos pataas. Ang 18-anyos ay estudyante pa lamang pero kukuntinsihin na silang gumamit ng vape. Bukod dito, padadamihin pa ang flavors ng vapes para mas lalong mahikayat ang mga kabataan na gamitin ito.

Ngayong buwang ito, inaasahang maghaharap na ang bicameral conference committee para i-reconcile ang mga bersyon na ipinasa ng Senado at Kamara sa Vape Bill. At kapag naratipikahan ito at naipadala sa Malacañang, si Pangulong Rodrigo Duterte na lamang ang may kakayahang ibasura o gawing ganap na batas ang Vape Bill. Wag din nating kalimutan na kung uupuan lamang ito ng Pangulo ay magiging batas pa rin ito matapos ang 30-araw.

Ang tanong papakinggan kaya ni PRRD ang panawagan at pangamba ng mga doktor at health experts na tutol sa Vape Bill o mas bibigyan niya ng pansin ang kampanya ng mga negosyante at pro-vaping groups? Alin kaya ang mas higit na matimbang para sa pangulo ng bansa: kalusugan at kinabukasan ng mga kabataan o dagdag-kita para sa ekonomiya at kaban ng bayan?

Leave A Reply

Your email address will not be published.