Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ano ang peak bone mass

0 170

Kahit gaano katigas ang buto, ito ay buhay at may life cycle. Nasa sa atin, kung paano ito maging matibay, at kung gaano natin ito panatiliing matibay. Tanong sa atin ng ating reader na ina ng tatlong bata na may edad na walo, lima at dalawang taong gulang. Aniya, maayos naman ang pagkain ng mga bata, kaya lang nawiwili sa paginom ng soft drinks ang kaniyang panganay, at ayaw nang uminom ng gatas. Nagagaya ang sumunod at parang naguumpisa na din umayaw ng gatas ang bunso. “Natatakot ako na manghina ang kanilang buto, lalo na ang kanilang lola ay kumuba na ng husto dahil sa osteoporosis. Ano ba dapat ang nararapat gawin at ayaw kong magkaproblema sila sa kanilang pagtanda.”

Tama ang hinala ng ating reader dahil malaking bagay ang gatas sa paglaki ng bata, pati na sa pagtibay ng kanilang buto. Lalo na habang lumalaki sila, umabot sa pagdalaga at pagbinata, hanggang sa umabot ng 30-35 na edad, kung saan ay makukuha ang pinakamatibay ng buto. Ito ang peak bone mass. Habang tumatagal at nagkakaedad, pababa na ito. Mas matindi sa mga babae dahil mayroong pagtigil ng regla o menopause na nangyayari sa mga 50 anyos, kung saan maaaring biglang bumagsak ang kalidad ng buto. Tumataas tuloy ang peligro na mabalian kahit hindi malakas ang aksidente.

Ang gatas ang isa sa pinakamagandang pinanggagalingan ng mineral na Calcium. Sa katunayan, hindi naman ito ginagamit ng buto, ngunit nasa buto ito na nagmimistulang parang banko kung saan ito nakaimbak para magamit ng buong katawan. Ang gamit ng calcium ay mula sa pagkilos at paggalaw ng muscle, pagtibok ng puso, pagisip natin o neurotransmission. Kailangan din ito ng dugo, kasama sa immune functions, at madami pang iba. May mga maaari pang gawin para mapatibay ang buto. Kasama na ang pagkain ng wasto ng mga pagkaing mataas ang calcium tulad ng berdeng gulay, isda (gaya ng salmon at sardinas), keso, yogurt, tinapay, cereals at grains. Mataas din sa soymilk kung hindi makainom ng gatas dahil lactose intolerant. Kailangan din magkikikilos dahil ang kada hakbang ay nagpapaganda ng tubo ng buto. Bawasan ang inom ng soft drinks. Iwasan ang paninigarilyo, inom ng alak, at paggamit ng bawal na gamot. Higit sa lahat ay alagaan ang sarili at siguraduhing malinis at safe ang paligid upang maiwasan ang aksidente.

Ilan sa halimbawa nito ay maglagay ng mga hawakan sa paligid kung saan madalas na nababasa ang sahig, tulad ng banyo at kusina, para maiwasan madulas. Panatiliing malinis ang paligid para hindi ito maging sanhi ng pagkadapa. Kung may mga nakaharang na mga bagay gaya ng mga tanim o dekorasyon, itabi ang mga ito o mas mabuti pang tanggalin na lang para walang hadlang ang dadaanan o pasilio. Lagyan ng ilaw ang ang mga madalas dinadaanan para makita ng mabuti lalo na sa gabi.

SM food to go Banner Ad

Lahat ng ito ay magagawa para iwasan ang aksidente, pero pinakamaganda ay patibayin natin ang peak bone mass habang may panahon pa para manatiling malakas ang ang ating mga buto.

Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.