Abante Tonite Interactive

Ano ang takotsubu, karoshi, natsubate?

262

Sobrang kalungkutan, stress at pagod sa pagta-trabaho – ang lahat ng mga ito ay puwedeng maging dahilan ng atake sa puso at kamatayan! Ang akala natin, ­kolesterol o mga taba sa ating kinakain ang tanging dahilan ng atake sa puso. Pero ang labis na kalungkutan, stress at pagkapagod ay puwede palang makapagpatigas sa ating mga ugat na daluyan ng dugo, at maging dahilan ng heart attack.

Humihina ang mga muscles ng puso, lalo na ang left ventricle na siyang ­pangunahing pumping chamber ng puso, kapag ­sumasailalim sa sobrang ­stressful na ­sitwasyon ang isang tao. Ang tawag dito ay takotsubo cardiomyopathy. ­Kadalasang ­dahilan ng stress at matinding ­kalungkutan ay ang pagkamatay ng mahal sa buhay, problema sa pera, nawalan ng trabaho, naaksidente o nagkasakit ng malubha. ­Kabilang sa mga simtomas ay pananakit ng dibdib, paninikip ng paghinga at ­pagtalon ng pintig ng dibdib.

Mas madalas mangyari ang takotsubo sa mga babae, hindi lang dahil sa mas dinidibdib nila ang ­problema kung hindi dahil sa bumababang ­estrogen (hormones) kapag nagme-menopause na.

Ang karoshi naman o “death by overwork” ay natuklasan sa Japan noong 1970s. Napansin nilang dumarami ang inaatake sa puso dahil sa ­sobrang pagtatrabaho.

Sinubukan ng mga Hapon na baguhin ang sistema nga pagta-trabaho -­ binawa­san ang mahabang work hours at nagka-karaoke na sila pagkatapos ng trabaho.

Pero likas silang masipag at seryoso sa trabaho kaya’t kahit nagka-karaoke na, dala pa rin nila ang kanilang mga gadgets at nag-uusap pa rin tungkol sa trabaho.

Ang natsubate naman ay ang atake sa puso ­dahil sa sobrang init at pagkapagod. Ang ibig ­sabihin ng “natsu” sa wikang Hapones ay July na siyang ­buwan ng tag-init sa kanila. Ang “bate” naman mula sa ­salitang “bateru” na ang ibig sabihin ay sobrang pagkapagod. Dahil mainit, umiinom sila ng sobrang ­la­mig na inumin o laging nakababad sa malakas na air conditioning, kaya naninigas ang mga ugat na daluyan ng dugo at nagiging dahilan ng atake sa puso.

Ang hormone na cortisol na inilalabas ng ating katawan kapag tayo ay nai-i-stress ay nakakatulong sa paglaban sa stress. Pero kung pangmatagalan na ang ating stress at tumataas ang lebel ng cortisol sa ating katawan, nagiging dahilan ito ng plaque deposits sa ating ugat na nagpapatigas dito.

Bukod sa pag-iwas sa stress, kailangang lagi tayong mag-ehersisyo, kumain ng gulay at prutas, uminom ng katamtamang lamig o maligamgam na tubig at iwasan ang bisyo, upang maiwasan din ang atake sa puso.