Abante Tonite Interactive

Ano ba ang halaga ng tubig sa ating katawan?

By
1,616

Napakahalaga ng tubig sa ating katawan. Pero gaano ba karami ang dapat nating inumin?

Natutunan natin na dapat ay mga walo hanggang sampung baso ng tubig ang dapat nating iniinom araw-araw, pero tila mas angkop na malaman na ang dami ng iniinom na tubig  ay depende sa ating laki o size, sa lagay ng panahon at pangkalahatang lagay ng kalusugan. Mas maraming tubig ang kailangan kung puspusang pinapawisan dahil puspusan din ang ehersisyo. At batid ba ninyo ang naitutulong ng tubig sa ating pangangatawan? Alamin po natin:

  • Maging slim dahil sa ­tubig – Tubig ang nagpapabilis ng metabolism, kaya’t tama ang payo na bago kumain ay uminom ng isa hanggang 2 basong tubig para pakiramdam ay busog ka na at tiyak kaunti lang ang makakain. Para lalong lumakas – kung pakiramdam ay hinang-hina, ito ay dahil dehydrated o nanunuyo ka na, uminom ng tubig para lumakas. Nakakatulong ang tubig para maayos ang tibok ng puso para sa angkop na dami ng dugo, at tubig ang nakakatulong na madala ng dugo ang oxygen at iba pang nutrients sa selula ng katawan.

 

  • Nakakabawas-stress – ­Tinatayang 70%-80% ng ating utak ay tubig at kapag ikaw ay dehydrated, ang katawan at pag-iisip ay nai-stress. Kapag ikaw ay nau­uhaw, pakahulugan na ikaw ay bahagyang nade-dehydrate kaya’t kailangan na kaagad uminom ng tubig.

 

  • Patibayin ang ­muscle – Ang pag-inom ng tubig ay nakakaiwas magkaroon ng cramps o pulikat ang mga muscle at animo’y langis sa mga joints o kasu-kasuan ng katawan. Kapag sapat ang tubig, mas nakatatagal sa pag-eehersisyo.

 

  • Nagpapaganda ng kutis – Ang mga kulubot ng balat ay mas matindi kapag palaging dehydrated. Maituturing na natural beauty cream ang tubig dahil ang pag-inom ng sapat na tubig ay nakakatulong sa mga selula ng balat, lalo na sa mukha upang magmistulang bata.

 

  • Malaking tulong sa pagtunaw – Kailangan ito sa pagtunaw ng mahiblang pagkain at kapag dehydrated, mahirap para sa digestion at malaking problema para mailabas ang mga basura sa katawan.

 

  • Nakakabawas sa pagkakaroon ng kidney stones – Isa sa mga dahilan kung bakit napakaraming nagkakaroon ng bato sa bato, ma­ging sa mga bata ay dahil sa kakulangan ng sapat na tubig na iniinom. Tubig ang tumutunaw sa lahat ng mineral at asin na napupunta sa ating ihi na dahil sa kulang ang tubig ay namumuo bilang bato sa bato o kidney stones.

Tandaan, para makaiwas sa mga kidney stones ay uminom ng regular na dami ng tubig.

Bukod sa mas mura ito kesa sa mas mamahaling mga iniinom niyong pampaalis-uhaw, mas ligtas pa, basta’t galing sa pinagkakatiwalaang pinagkukunan!