Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ano ba talaga ang New Normal?

0 1,123

Patuloy ngayon ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR). Dahil ang Taguig City ay isa sa mga lungsod sa NCR, kasama ito sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) na ipinapatupad ngayon hanggang April 4 ng Interagency Task Force on the Management of Emerging Diseases (IATF) sa Metro Manila at ilan nitong karatig na probinsiya na Laguna, Bulacan, Rizal at Cavite.

Mula ECQ, MECQ, GCQ, narito tayo muli sa ECQ. Hindi pwedeng panay nalang ang pagsarado natin sa ekonomiya at pagtigil sa paggalaw ng tao at paghahanap buhay. Ngunit kung hindi natin mapigilan ang pagtaas ng mga kaso at kung puno ang ating mga ospital, hindi tayo makakalabas sa siklong ito. Kailan ba talaga natin makakamit ang sinasabing “New Normal”?

New Normal ang sistema kung saan maaari na tayong magtrabaho, magnegosyo, magsimba, magtipon at bumisita sa ating mga pamilya nang walang takot na magkaroon ng sakit. Ibig sabihin nito ay kailangang masanay na naka-mask, pagdistansya at palagiang paghuhugas ng kamay.

Ayon sa mga dalubhasa, kaakibat ng new normal ang “behavioral change” o panibagong pananaw sa paggalaw at pagkilos ng tao. Dito ay sinasanay tayong mabuhay at gawing normal ang minimum health standards sa pang-araw araw na pamumuhay dahil hindi agad mawawala ang COVID-19.

Bilang halimbawa, kung nadadaan kayo sa Bonifacio High Street ay makikita ninyo na disiplinado ang mga nagpapatupad ng health protocols at physical distancing sa loob ng mga malls at mga establisyemento.

Hindi maaaring habang buhay ang lockdown at paghinto ng mayamang ekonomiya dahil sa pandemya. Sa halip na takot ang ipairal, epektibong pagpapatupad ng health at safety protocols ang dapat na gawin upang mabuksan ang ekonomiya at makausad ang bansa patungo sa New Normal.

Hindi na ito bago sa atin. Isang taon na nating nilalabanan ang COVID-19 kaya’t nadagdagan na ang ating kaalaman upang maiwasan ang pagkalat ng virus at hawaan sa mga komunidad.

Kahit mayroon nang COVID-19 na bakuna, ang Taguig ay patuloy na nagpapatupad ng mga hakbang upang panatilihing ligtas ang lungsod. Mas handa na ang Taguig na harapin ang hamon ng pandemya sa ating kalusugan at ekonomiya.

Nangunguna sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan ang pagpapatibay ng New Normal ordinance. Hindi tumitigil ang lungsod na ipaalala sa mga Taguigeño na magsuot ng face masks at face shields, striktong sumunod sa physical distancing at palaging maghugas ng mga kamay. Tinging simple ang mga ito ngunit kasing epektibo ng mga health protocols ang mga bakuna.

Upang matiyak naman na sumusunod ang mga residente sa New Normal ordinance, nagtalaga ang lungsod ng 1,680 Tapang, Malasakit, Disiplina personnel, kasama ang mga pulis, barangay tanod at iba pang kawani ng lokal na pamahalaan upang tiyakin na walang lalabag sa mga health at safety protocols.

Tuloy-tuloy din ang ugnayan ng lokal na pamahalaan sa lahat ng mga business establishments sa lungsod at sila ay tumutulong sa pagpapatupad ng mga protocols. Istrikto ang pagpapatupad ng physical distancing sa mga kainan, maximum allowable capacity sa loob ng mga bilihan at pagsusuot ng face masks at face shields lalo na sa mga saradong espasyo. Regular ang pakikipagpulong ng lokal na pamahalaan sa pribadong sektor upang paigtingin pa ang koordinasyon tungo sa New Normal.

Pagdating sa testing, hindi problema ng mga Taguigeños at mga nagtatrabaho sa lungsod ang pagpapa-test dahil libre ito para sa lahat. Mahigit 124,000 RT-PCR tests na ang naisagawa ng lokal na pamahalaan.

Sa Taguig, maaaring magpa-test sa 31 barangay health centers, drive-thru testing, mobile testing trucks, Taguig-Pateros District Hospital, Park and Test sa Vista Mall at tulong ng CEDSU Testing Team. Bukod pa ang mga ito sa mga tests na isinasagawa ng national testing facilities ng gobyerno. Dahil napakadaling magpa-test sa lungsod, nais din nitong huwag magdalawang-isip ang mga Taguigeños na magpa-test kung kinakailangan.

Napakahalaga rin ng prevention para pababain ang mga kaso kaya’t laging pinapaalalahanan ang lahat na iwasan muna ang pagtitipon sa loob ng mga tahanan lalo na kung hindi nasa iisang household. Marami kaso ang nagpapakita na ang COVID-19 ay kumakalat sa mga household gatherings kung saan madalas ay hindi nasusunod ang health protocols.

Upang gawing mas epektibo ang pagpapatupad ng mga hakbang laban sa COVID-19, namahagi ang lungsod ng anti-COVID kits, load cards at libreng VIP access sa iFlix sa mga senior citizen at mga vulnerable sectors o yung mga may sakit o comorbidities. Mayroon ding reminders, exercise videos at lifestyle tips para sa mga senior citizens sa Online Senior Center and Resources o OSCAR na matatagpuan sa taguiginfo.com.

Susi ang kooperasyon ng lahat at pagiging disiplinado upang magtagumpay tayo laban sa pandemya. Dapat ay maging inspirasyon tayo ng bawat isa na maging responsableng mamamayan at may malasakit sa kapwa.

Nais nating makamit ang behavioral change, anuman ang quarantine classificaton, upang tuluyan na nating masugpo ang suliranin ng COVID-19. Nais natin ang aktibong partisipasyon ng bawat isa at magkaroon ng sense of personal responsibility para sa kaligtasan ng komunidad.

Sa pagtatanim sa isip ng mga Taguigeños at ng bawat Pilipino ng importansya ng pagiging responsable at mapagmalasakit, mabilis tayong makakatawid sa krisis na kinakaharap natin ngayon at patungo sa New Normal.

Leave A Reply

Your email address will not be published.