Abante Tonite Interactive

Ano bang pwedeng saklolo sa fare hike?

By
652
Kamakalawa ay humirit na rin ng taas-pasahe ang mga city at provincial buses.
Hindi na raw kasi talaga nila masalo ang tumatagas na gastos sa petrolyo. Nauna nang naghain ng petisyon ang mga jeep at taxi, pati na ang Grab at Uber.
Masakit na masakit na latay ito sa publiko oras na aprubahan. Mukha namang 100% maaaprubahan dahil malaki talaga ang nilundag ng presyo ng mga produktong langis.
Lahat ng ito ay epekto pa rin ng isinabatas na bagong pagbubuwis ng administrasyong Duterte na tinatawag na TRAIN Law.
Wala pa nga itong napipintong fare hike sa lahat ng public utility vehicles (PUVs) ay umaaray na ang publiko sa nagmahalang mga bilihin, paano pa kapag sumirit na ang pamasahe?
Ngayong Pebrero rin sisipa ang mahal ng kuryente. Hindi man isang buhos, mas malaking latay pagdating pa ng Marso.
Sabi nga sa mga hugot ng mga ampalaya sa pag-ibig kahapon, “mabuti pa ang mga bilihin nagmamahalan.”
Sana lang ay makaisip ng formula ang gobyerno para masaklolohan ang taumbayan sa mabigat na latay ng hindi maawat na inflation na dulot ng TRAIN Law.