Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ano nga ba ang ‘adrenaline rush’

0 143

Walang tigil na usapin ngayong linggo ang pagkapanalo ni Hidilyn Diaz ng kaunaunahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics sa sport na weightlifting. Dito umikot ang tanong ng ating reader. Paano nakakagawa ng nakakagulat na kilos ang galaw ang mga atleta, ganon din ang mga ordinaryong tao na bigla na lang nakakabuhat ng mga mabibigat na bagay, tulad ng refrigerator o motorsiklo, lalo na nitong nakalipas ng tag ulan kung saan bumaha ang mga ilang lugar. Possible ba talaga ang magawa ang mga ito?

Sa mga atleta, araw araw silang nageensayo, pinalalakas at pinatitibay ang kanilang katawan para makayanan ang kung minsan imposibleng mga kilos at gawa. Ngunit kung minsan, kahit hindi naman ensayado ay nakukuhang gawin din ang mga ito. Ang sanhi nito ay nagmumula sa prinsipyo ng “fight or flight”. Isang depensa ng katawan na kung saan ito ay susubok at susulong sa sitwasyon o iiwas at aalis na lang. Malaki ang kinalaman ng stress hormone na nagmumula sa ating adrenal glands, kung tawagin ay adrenaline. Kung magkakaroon ng problema o sitwasyon, agad agad tataas ang adrenaline at ito ang nagiging “adrenaline rush“..

Ang nangyayari kapag may adrenaline rush ay bumibilis ang tibok ng puso o nagiging tachycardic. Tumataas din ang blood pressure, lumalawak ang daanan ng hangin papunta sa baga, lumalaki ang itim ng mga mata, at pati ang daloy ng dugo ay napupunta sa utak. Ito’y napakahalaga para bumilis ang reaksyon ng katawan at ito’y natural. Ngunit mayroon din na gamot ang adrenaline, ang tawag ay epinephrine. Ginagamit ito kapag may shock o di kaya mga allergic reactions na mangyari. Ito rin ang ginagamit para muling tumibok ang puso kung ito ay titigil.

May mga pagkain na nagpapataas ng adrenaline. Kabilang na dito ang karne, isda, itlog, legumes, nuts, madahon at makulay na gulay, mga whole grains at gatas. Kaya lang, kung wala naman sakuna o sitwasyon na kinakailangan ang adrenaline, walang gamit ang sobrang enerhiya nito. Ang maaaring ikalabasan ay maging iritable at hindi mapakali. Pwede rin tumaas ang stress at magkaroon ng problema sa puso, insomnia, panginginig at magugulatin o sobrang nerbyosin. Kailangan natin ang adrenaline sa mga oras ng panganib, ngunit kung wala namang ganoong sitwasyon at nakakaramdam ng mag nabanggit na sintomas, kabilang na ang sobrang pagpawisan, panginginig, pagbilis ng pintig ng puso at paghinga, parating pagod, at hindi makaisip ng mabuti, magpatingin sa inyong doktor.

SM food to go Banner Ad

Congratulations kay Hidilyn sa pagkakuha ng gold para sa bansa! Tuloy tuloy pa ang Olympics at may mga kasamahan din siya na lumalaban pa, Mabuhay kayong lahat!

Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.