Abante Tonite Interactive

Anong napala sa ‘commute challenge’?

295

Parang reality show na inabangan ng marami ang ginawang pagko-commute o pagsakay sa pampublikong sasakyan ni Presidential Spokesperson Sal Pa­nelo nitong nakaraang Biyernes. Ang tanong ngayon marahil ng marami — anong napala natin?

Kung tutuusin, dapat bigyan ng kahit man lang isang bagsak ng palakpak si Atty. Sal dahil kumasa siya sa hamon ng mga militante at ilang pasahero na mag-commute para maranasan niya ang hirap na nararanasan sa araw-araw ng mga pasaherong hirap makasakay.

Para sa mga hindi nakakaalam, nag-ugat ang hamon kay Panelo nang sabihin niyang walang krisis sa transportasyon, at pinayuhan niya ang publiko na umalis nang maaga sa bahay para makara­ting nang maaga sa kanilang pupuntahan. At kung noong una eh tinawag niyang labuyo, este ‘silly’ ang hamon, kinalaunan ay kinasa­han niya ang ‘commute challenge’.

Iyon nga lang, hindi niya sinabi kung saan, anong oras, at walang media coverage kaya may nag-isip na baka may palusot na gawin ang kalihim.

Pero hindi, ginawa niya talagang mag-commute kahit inabot siya ng halos apat na oras sa biyahe. Mula sa Quezon City, bumalik pa sa Marikina kung saan siya naka­tira, at saka bumiyahe pa-Maynila patungo sa Palasyo.

Dapat siguro eh nilagyan siya ng GPS para nasubaybayan ang biyahe niya kahit walang kasamang media. Pero posibleng mas maliit siguro ang oras na ginugol niya sa biyahe kung mula sa QC ay bumiyahe na agad siya pa-Maynila, o kaya eh nagsimula siya sa Marikina, patungong Maynila.

Ngunit gaya ng tipikal na Pinoy na sala sa init at sala sa lamig ika nga, ngayong tinanggap at ginawa ni Pa­nelo ang hamon, aba’y marami pa rin ang hindi masaya. May humihirit na dapat daw ay araw-araw iyong gawin ni Panelo; dapat daw eh nag-LRT siya o MRT; dapat daw eh walang kasamang media; o kaya eh walang alalay na pulis.

Kung tutuusin, natunugan lang ng media kung nasaan na si Pa­nelo dahil sa naglalabasan na sa Facebook ang mga larawan niya na kuha ng kaniyang mga kapwa pasahero. At kung totoo ang mga ulat, ilang beses daw na tinanggihan ni Panelo ang alok ng mga pulis na alalayan siya sa biyahe.

Aba’y sa edad na iyon ng kalihim, hindi na rin biro ang bumiyahe.

Tanong nga ng isa nating kurimaw, may senior citizen ID na raw kaya si Panelo at naka-discount kaya siya sa pamasahe? Ilang taon na nga ba si ‘Daddy Groovy’? Mabuti at may ilang pasahero na umaalalay sa kaniya, at hindi siya natulad sa isang mayor sa Mexico, na iginapos at ipinakaladkad sa truck ng mga magsasaka dahil hindi raw natupad ni yorme ang pangako niya noong kampanya.

Mabuti rin at hindi naman si Panelo ang humamon sa kaniyang mga kritiko na gawin ang ginawa niya nang bumiyahe siya; na naka-shade kahit madilim pa at naka-long sleeve at cap kahit mainit. Aba’y sabi nga ng ilang nakasakay niya, kita nilang tumatagaktak din ang pawis ni secretary.

Pero ang ending na tanong nga — anong napala ng bayan sa naturang ‘challenge’? Hindi naman nagbago ang posisyon ni Pa­nelo na walang krisis sa transportasyon pero aminado siyang problema talaga ang trapik. Isa pa, alam naman talaga ng mga opisyal ang problema sa transportas­yon at kung talagang nais nilang masolusyonan ang problema, o kung talagang mada­ling masolusyonan ang problema eh baka ginawa na nila. Ang resulta, nakakuha lang si Panelo ng matinding ‘media exposure’ at nainggit malamang ang iba.

Ngayong aminado si Atty. Sal na may problema sa daloy ng sasakyan sa ibaba, marahil ay dapat niyang irekomenda sa Pangulo na pukpukin ang mga dapat pukpukin para mapahusay ang serbisyo ng MRT, LRT at PNR. Kailangan lang na dagdagan ang mga bagon at tiyaking walang titirik.

At kung may napala man tayo sa ‘commute challenge’ ni Panelo, iyon eh madaling-araw ay may pinagtsismisan at pinagdedebatihan na ang mga tao.

Tandaan, wala pang pagsisisi na nasa una, lagi ‘yang nasa huli. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”.