Abante Tonite Interactive

Anong napala?

By
433

Dalawang taon na ang nakakaraan, sa mismong araw na ito, nang magpasya ang United Nations – Permanent Court of Arbitration pabor sa Pilipinas sa kasong isinampa nito laban sa iligal na pagkakamkam ng ating mga teri­toryo sa West Philippine Sea

Ngunit imbes na kilalanin ng kasalukuyang administras­yon ang mahalagang desisyon na ito, pinili nitong pairalin ang isang ‘quiet diplomacy’, kapalit ng mga tulong pi­nansiyal ng China sa pag-aakalang mas makikinabang ang Pi­lipinas sa estratehi­yang ito.

Sa loob ng dalawang taon, kung susuriin, China at hindi Pilipinas ang lubos na nakinabang sa pagsasawalang-kibo ng administrasyong Duterte sa mga kabuktutan ng China sa West Philippine Sea.

Buong tiwala si Pangulong Duterte na malakas siya sa China, pero base sa mga datos, noong 2016, kati­ting na .14% lang ang natanggap na investment ng Pilipinas mula dito, pinakamaliit sa buong rehiyon ng ASEAN.

Kung ang $9 bil­yon na Official Deve­lopment Assistance, na parte ng $24 bilyon na pangakong tulong pi­nansiyal at pautang ng China naman ang pag-uusapan, ito ay para na sa buong termino ni Pangulong Duterte. Katumbas lang ito ng $1.5 bilyon taon-taon, napakaliit na halaga kumpara sa suma total ng mga investment at konstruksi­yon ng China sa mga karatig bansa. Higit pa rito, ang $9 na bilyon na ito ay tinumbasan lang ang halaga ng tulong ng China noong taong 2010, kaya wala naman talagang nagbago, ‘di gaya nang sinasabi ng administrasyong ito.

Sa kalakalan, mula taong 2015 hanggang 2017, mayroon tayong trade deficit sa China. Mas maraming ipinasok na produkto ang China kaysa sa mga produktong Filipinong inangkat nito.
At habang nagdidiwang na ang admi­nistrasyon sa mga kapiranggot na pakinabang ng kanilang ‘quie­t diplomacy’, ay mas lalong umigting ang mili­tarisasyon ng China sa West Philippine Sea.

Patuloy rin ang pag­hihirap ng ating mangi­ngisda dahil sa panggigipit ng Chinese Coast Guard na kadalasa’y kinukum­piska pa ang kanilang huli. Maging ang ­ating kasundaluhan sa West Philippine Sea ay pinagbabantaan.

Kapalit ng maliit na halaga ay ekta-ektaryang teritoryo natin ang malamang sa malamang ay tuluyan nang nawala sa kamay ng samba­yanang Fi­lipino. Sa sari­li na­ting teritoryo, nawalan na tayo ng kara­patang ma­kinabang.

Ito ang napala natin sa China. Ito ang bunga ng ‘quiet diplomacy’ ng administrasyon. Habang nagpapakasasa ang China sa mga yamang walang kaabog-abog nilang ninakaw sa mga Filipino, nagkakasya na ang administrasyong ito sa kaunting suhol ng China para sa pananahimik nito. Iilan lang ang nakinabang, habang ang sambayanang Filipino ay patuloy na nagdurusa.