Abante Tonite Interactive

Anong tumataas, anong bumababa?

By
0 317

Habang tumataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo, bumababa naman ang trust ratings ni President Mayor Rodrigo Duterte; pati ang halaga ng piso, kompiyansa ng mga negosyante at konsumer, at pati na ang pag-asa ng mga tao na gagana ang buhay nila ngayon taon.

Sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) sa trust rating na ginawa noong Hunyo 27-30, nabawasan ng 8% ang numero ni Presidente Mayor para sa net rating na 57%, mula sa dating 65% noong Marso. Ginagawa mga tsong ang survey tuwing ikatlong buwan kaya asahan na ang susunod na survey ay gagawin ngayong Set­yembre [para sa ikatlong bahagi ng taon na sakop ang Hulyo, Agosto at Setyembre].

Kung tutuusin, mataas pa naman ang 57%. Iyon nga lang, 18% na ang nalagas sa kaniyang marka mula sa 75% na nakuha niya noong Disyembre 2017. Kapag nalagasan pa siya muli ng 8% sa Setyembre, bababa na ang trust rating niya sa below 50% at baka mahirapan na siyang makabawi lalo pa’t election period sa susunod na taon. Malamang na maapektuhan pa ang kaniyang mga magiging kandidato.

Bukod sa ratings, hindi rin nagiging maganda ang numero pagdating sa inflation rate o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang paghina ng piso, at nawawala ang kompiyansa ng mga namimili at pati ang mga namumuhunan sa bansa.

Alam na natin ang 6.4% ang inflation nitong Agosto na pinakamataas sa nakalipas na siyam na taon. Nitong nakaraang Hunyo at Agosto tumindi ang kalam ng sikmura ng mga tao dahil sa kawalan ng murang bigas. Dumating ang mga imported na bigas na binukbok pa, at nagplanong mag-import ng galunggong pero kinatatakutan naman na baka may pormalin.

Ang kompiyansa ng mga mamimili, buma­baba sa -7.1%, batay sa Consumer Expectation Survey. Ang kompiyansa ng mga negosyante, bumaba sa 30.1% sa survey na ginawa noong Hulyo hanggang Agosto para sa Business Expectations Survey (BES). Sa isa pang survey ng SWS, lumitaw na nabawasan ang naniniwalang magiging maganda ang buhay nila ngayong taon na mula sa 41% noong Marso, ay naging 32% nitong Hunyo. Kung noong Marso ay 21% lang ang naniniwalang hindi gaganda ang buhay nila ngayong taon, nadagdagan ito ng 27% nitong Hunyo.

Ngunit hindi pa diyan nagtatapos ang ‘di magagandang numero, ang halaga ng piso, halos umabot na sa P54 ang palitan sa $1. At alam niyo ba mga tsong na Disyembre 2005 pa nang huling sumampa sa P54 ang piso natin kontra sa dolyar.

Tanong ng ating kurimaw na mahina sa math, ano raw ba ang masama kung tumaas ang inflation at humina ang piso? Aba’y parang ugat ang mga ‘yan ng ekonomiya na pinagdadaluyan ng dugo. Kapag isa diyan ang nagbara, magkakaproblema. Kung tuluyang mawalan ng kompiyansa ang mga namumuhunan, sino ang magbibigay ng trabaho? Kung patuloy na mahina ang piso, mas lalong la­laki ang gastos ng bansa sa mga pag-angkat ng produkto gaya ng plano nila sa bigas, karne at galunggong.

Mas lalo ring magmamahal ang presyo ng gasolina at diesel dahil ini-import din ang mga ‘yan at dolyar ang bayaran.

Hindi lang iyon, ang mga malalaking kompanya na nagbibigay ng serbisyo tulad ng tubig, dolyar ang utang ng mga iyan na kanilang binabayaran at ipinapasa sa konsumer kapag humihina ang piso. Pati ang ipinambabayad ng gobyerno sa ating mga utang, dolyar din. Ibig sabihin, mas tumataas ang pondo na ilalaan sa pagbabayad ng utang na dapat sana eh mailaan sa ibang makabuluhang proyekto.

Ang unang hakbang para solusyunan ang problema, tanggapin na mayroon problema. Ang kaso, baka ang gawin lang ng mga “bright” boys ng administrasyon eh maghanap ng isyu na para ilihis ang atensyon ng mga tao sa mga problema.

Kung sakali, ano kaya iyon? o sino kaya iyon? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”