Abante Tonite Interactive

Anthony pinupunuan ang pagliban ni Pringle

319

Nang huling matanong si coach Pido Jarencio kung kailan babalik si Stanley Pringle, ‘di nagkatotoo ang sagot ng NorthPort mentor.

Apat sa anim na laro ng Batang Pier sa PBA Commissioner’s Cup ay wala ang eksplosibong guard dahil sa bumabalik na sakit sa paa. Sa confe-rence break ay inoperahan si Pringle para alisan ng bone spurs sa paa (right ankle).

Miyerkoles ng gabi sa Smart Araneta Coliseum, natanong muli si Jarencio sa estado ng kanyang playmaker.

“Ang hirap sagutin kung kaya na niya or puwede na siya,” anang coach. “Ayokong sagutin dahil last time nagsabi ako na puwede na si Pringle, tapos wala siya.”

Pero kahit wala ang kamador, tuloy ang pagpapanalo ng Batang Pier, hu-ling nilunod ang Magnolia 102-99.

Hindi ganun ka-dominante ang laro ni import Prince Ibeh, pero rumeresponde ang locals sa pangunguna nina Sean Anthony, Robert Bolick, Paolo Taha, Jonathan Grey, Mo Tautuaa at Nico Elorde.

“’Yung players, nag-step up, nagde-deliver,” lahad ni Jarencio. “They’re doing their share. Hindi isa, dalawa, tatlong tao lang. lahat tumutulong.”

Sa elbow jumper ni Anthony na sinundan ng apat na free throws sa final 65 seconds ay naipreserba ng NorthPort ang panalo para akbayan sa tuktok ang TNT KaTropa at Blackwater sa pare-parehong 5-1 records.

Tumapos si Anthony ng 22 points para pangunahan ang anim na iba pang Batang Pier na umiskor ng 10 pataas. May 16 si Taha, 14 kina Grey at Tautuaa na nagbaba pa ng 11 rebounds. Nananakit ang likod ni Ibeh pero nagsumite ng 10 points, 13 rebounds at 4 blocks. (Vladi Eduarte)