Abante Tonite Interactive

Anti-bastos law pinirmahan ni Digong

2,039

Hindi na uubra ang paninipol, panghihipo, at mga parinig na may himig seksuwal sa mga kababaihan at maging sa mga miyembro ng LGBTQ­+ community.

Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ganap na batas ang Republic Act No. 11313 o ang Safe Space bill o Anti-Bastos bill.

Kung dati ay sa Quezon City lamang bawal ang “cat calling”, sa pamamagitan ng Anti-Bastos Law ay bawal na ito sa buong bansa.

Ang bagong batas na layuning proteksiyunan ang gender-based sexual harassment ay ipatutupad sa mga kalsada, pampublikong lugar, online, work places at maging sa mga paaralan at trainin­g institution.

Pinirmahan ni Pangulong Duterte ang bata­s noon pang Abril 17, 2019, at hindi ito napaso para maging batas, taliwas sa naunang pahayag ng ilang mambabatas mula sa oposisyon.

Nakapaloob sa Anti-Bastos Law na bawal na ang mga paninipol, pagtawag ng kung ano-ano, panghihipo o mga negatibong parinig lalo na sa mga kababaihan at sa LGBT.

Kabilang din dito ang online sexual harassment gaya ng pananakot, panghihimasok sa privacy at cyber stalking.

Ang mga mapapatunayang lumabag sa nabanggit na batas ay pagmumultahin ng mula isang P1,000 hanggang P100,000 at maaari ring makulong ng hanggang isang buwan depende sa uri ng ginawang pambabatos o gender-based harassment.

Multang P100,000 hanggang kalahating mil­yong piso naman ang parusa sa online harassment.

Inaatasan din ang mga local government unit na magpasa ng ordinansa para mapairal ang anti-bastos law habang ang Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) naman ang manghuhuli sa mga lalabag sa nasabing batas.

Ang mga paaralan ay inaatasan ding magtakda ng mga mekanismo para sa mga reklamo ng mga estudyante at faculty member.

Ang Philippine Commission on Women ang mangunguna sa pagbalangkas ng Implementing Rules and Regulations katuwang ang iba pang ahensiya ng pamahalaan.(Aileen Taliping)