Abante Tonite Interactive

Anti-torture body umani ng suporta

221

Sinuportahan ng ilang mambabatas at mga ahensya ng gobyerno ang isinusulong ng Commission on Human Rights (CHR) na pagbuo ng isang National Preventive Mechanism para maiwasan o mapigilan ang mga insidente ng torture o pagpapahirap sa mga detention facility, bilangguan at mental ins­titution sa bansa.

Ayon kay CHR Chairman Chito Gascon, bagama’t may umiiral nang interim mechanism laban sa torture, ang pagbuo ng isang permanenteng tanggapan sa pamamagitan ng pagpapasa ng isang batas hinggil dito ay mandato sa ilalim ng United Nations Convention Against Torture and Other Cruel, Inhuman or Degrading Treatment or Punishment.

Nagpahayag naman ng suporta sa CHR sina Senador Aquilino Pimentel, Zambales Rep. Cheryl Deloso-Montalla at Quezon City Rep. Kit Belmonte para sa pagpapasa ng isang batas na magtatatag ng mekanismo upang mapigilan o maiwasan ang mga insidente ng torture at iba pang uri ng pagpapahirap sa mga preso.

Nabatid pa na ma­ging ang Bureau of Corrections, Philippine National Police at Bureau of Jail Management and Penology ay nagpahayag na rin ng suporta sa isinusulong ng CHR na National Preventive Mecha­nism laban sa torture.

(Riz Dominguez)