Abante Tonite Interactive

Anting-anting ng adik ‘di tumalab sa pulis

By
400

Nahimasmasan sa loob ng kulungan ang isang 45-anyos na lala­king adik na sinubukan umano ang kanyang anting-anting nang pagtripang saksakin ng screw driver ang dalawang pulis na nagpapatrolya sa Asuncion Street coner Claro M. Recto, Tondo, Maynila kamakalawa nang gabi.

Ipinagmamalaki pa ng suspek na si Francisco Pagudar, miyembro ng Batang City Jail at taga-Tondo, Maynila, na dalawang ulit siyang binaril ni PO1 Adrian Legaspi pero hindi pumutok ang baril nito dahilan para tamaan niya ng saksak sa likod at tiyan ang pulis.

Hindi rin maipaliwanag ng pulis kung bakit hindi pumutok ang kanyang service firearm gayong dalawang beses itong kinalabit at wala naman itong diprensiya.

Ayon sa suspek, nabig­la lamang siya dahil malakas ang kanyang tama matapos bumatak ng shabu at solvent.

Bukod pa sa paniwalang hindi umano siya tatablan ng bala dahil sa taglay na an­ting-anting at pangontra sa kulam.

Nabatid na nagtamo naman ng mababaw na saksak si PO1 Bienvenido Ducusin matapos na bahagyang makaiwas nang saksakin ng suspek.

Nang mahuli ang suspek ay nakita ng mga pulis ang ipinagmama­laki nitong anting-anting na nakatali sa kanyang baywang.

Nakakulong na nga­yon si Pagudar at nahaharap sa mga kasong assault, serious physical injury at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.